May Isang Pangit(45)

“HINDI na ako umaasang sasagutin ni Alice ang aking sulat. Naisip ko baka wala siyang panahon na sagutin iyon. Baka naman nang mabasa ang sulat ko e nakornihan. Baka hindi niya type makipagsulatan sa katulad kong limitado ang nalalaman. Inaamin ko naman na wala akong pinag-aralan kaya yung mga sinulat ko sa kanya ay sa abot ng aking makakaya. Kung ano ang nasa isip ko, iyon ang sinabi ko.

“Naisip ko rin naman na baka hindi niya natanggap ang sulat. Posibleng mangyari iyon. Maaaring nawala ang sulat. Malayo ang Brisbane, Australia.

“Nang wala pa ring dumarating na sulat mula kay Alice, ipinasya kong sulatan muli. Kung ano ang una kong isinulat, ganundin ang ginawa ko. Kabisado ko pa naman ang sulat dahil ilang beses kong binasa iyon bago ipinadala.

“Hindi ko na sinabi kay Gina na muli akong nagpadala ng sulat kay Alice. Patay-malisya na lang ako at kunwari ay balewala sa hindi pagsagot ni Alice. Pero sa totoo lang, talagang nag-eexpect ako ng sagot.

“Makalipas ang isang linggo, nagulat ako nang may iabot ang isa sa mga kasamahan ko sa farm. Sulat!

Nang basahin ko kung kanino galing, ganoon na lamang ang pagkagulat ko. Galing kay Alice!

Nagmamadali akong pumasok sa aking kuwarto at binuksan ang sobre. Makapal ang sobre.

(Itutuloy)

Show comments