May Isang Pangit (11)
“TINAWAG ng barangay captain ang mga tanod na nasa labas ng kanyang bahay. Nagmamadaling pumasok ang mga tanod. Inginuso ako. Para bang alam na ng mga tanod ang gagawin sa akin. Hinatak ako palabas ng dalawang tanod. Nagpipiglas ako. Sinipa ko ang isa sa tiyan. Pero mas ma-tindi ang ibinalik sa akin. Sinuntok ako sa mukha. Nagdi-lim ang paningin ko. Nang mailabas ako sa bahay, lalo pang maraming suntok at tadyak ang inabot ko. Sinampal pa ako ng isa at umugong ang taynga ko. Hindi na ako makalaban dahil marami sila. Napalugmok ako. Kinaladkad ako palayo at saka iniwan sa damuhan.
“Nagkamalay ako na masakit na masakit ang katawan. Pinilit kong makatayo at maglakad pauwi. Binalak kong gumanti sa mga bumugbog sa akin at pati na rin kay Kapitan pero naisip ko, baka patayin na ako. Wala akong ka-laban-laban sa kanila. Hindi ko na rin naisip na magdemanda. Sa katulad kong pangit, tila pati hustisya ay ipinagkakait na rin kaya tiniis ko na lang ang pagkaapi. Bahala na ang Diyos sa kanila.
“Pero kapag naiisip ko ang ginawa ni Estrella sa akin, talagang hindi ko maiwasang magalit. Niloko ako ng babaing iyon! May nobyo na pala. Ginamit ako para magkapera. Nilimas lang ang kayamanan ko. Sabagay, tama rin ang ama ni Estrella, na ako rin ang dapat sisihin dahil nagpaloko sa anak niya.
‘‘Muli akong buma-ngon. Nag-ipon muli ako ng pera. Nagsikap nang todo. Ipinangako sa sarili na hindi na magpapadala sa boladas ng babae. Sabagay sino pa ba namang babae ang magkakalakas ng loob para makipag-usap sa akin. Kaya lang naman nakipagkilala si Estrella ay dahil gusto akong kuwartahan.
‘‘Hanggang sa ipasya ko nang magtungo sa Maynila. Nagkataon kasi na pina-vacate na ng may-ari ang lupang sinasaka ko. Sa pagtungo ko sa Maynila nakilala si Nanang Ela at tinulungan ako ng anak niya na maging hardinero sa UST.
“Nangupahan ako sa di-kalayuan sa UST at nagsimulang mamuhay nang tahimik. Nalungkot ako nang masyado nang mamatay si Nanang Ela. Itinuring ko na siyang parang ina. Pawang nawalan ako ng ina nang mamatay siya. Makaraan ang ilang taon, nag-migrate sa Canada ang anak ni Nanang Ela at pamilya nito. Nalungkot na naman ako dahil napamahal na sa akin ang anak ni Nanang Ela.
‘‘Sabi sa akin ng anak ni Nanang Ela bago sila tuluyang umalis huwag daw akong magbabago kahit saan makarating.
‘‘Ilang taon na ako sa Maynila nang malaman ang nangyari sa babaing nanloko sa akin --- si Estrella. Nabasa ko sa tabloid ang tungkol sa isang babaing natagpuang patay sa isang lugar sa Maynila. Biktima ng salvage. Sangkot sa droga ang babae. Hindi ako maaaring magkamali na si Estrella ang babaing sinalvage batay sa deskripsiyon.’’
‘‘Nakaganti ka rin, Tibur,’’ sabi ni Tiya Encar.
Ngumiti lamang si Tiburcio.
‘‘Sana pati yung barangay captain na nagpabugbog sa iyo ay patay na rin para lubos na ang pagganti mo,’’ sabi pa ni Tiya Encar.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending