^

True Confessions

May isang Pangit (7)

- Ronnie M. Halos -

HABANG ikinukuwento ni Tiburcio kung paano siya nakapasok sa UST bilang gardener ay biglang may itinanong si Tornado.

“Kuya Tiburcio, ‘yung kinuwento mong babae sa akin na niligawan mo at nagdulot sa iyo nang sobrang kabiguan at pagkaawa sa sarili. Yung sabi mong babae na taga kabilang ilog ng Pola.’’

Nagtawa si Tiburcio. “Ah oo, hindi ko nga pala naituloy ang pagkukuwento sa iyo kanina dahil dumating si Tiya Encar.”

“Sino namang babae yun, Tibur?’’ Tanong ni Tiya Encar.

‘‘Yung anak ng bara­ngay captain sa kabilang ilog ng Pola na ang pa-ngalan ay si Estrella.’’

“Anong nangyari sa inyo ng babaing ‘yun?’’

“Nagustuhan ko si Estrella. Talagang gandang-ganda ako sa kanya at gusto kong makilala. Pero dahil alam ko namang pangit ako at hindi bagay sa kanya, kinimkim ko na lang. Madalas ko siyang makita na naglalaba sa Ilog ng Pola. Patanaw-tanaw ako sa kanya. Maputi siya, mahaba ang maitim na maitim na buhok at slim ang katawan.

“Minsan na pauwi ako galing sa bukid, nakita ko na naman siyang nagla-laba sa ilog. Hindi ko na napigil ang sarili ko at ipinasyang lumapit sa kanya para makipagkilala. Aba, nakangiti sa akin habang papalapit ako. Ang buong akala ko e iiwas. Lumakas tuloy ang loob ko. Nakipagkilala ako. Sinabi ko ang aking pa-ngalan. Hindi naman siya naaskaran nang sabihin ko ang aking pangalan. Sabi ko, huwag na niyang sabihin ang kanyang pa-ngalan niya dahil alam ko na. Madalas kong marinig ang pangalan niya dahil anak nga siya ni Kapitan. Aba, nakipagbiruan na siya sa akin. Para bang may ipinahihiwatig siya na hindi ko agad malaman kung ano. May gusto siguro sa akin si Estrella, iyon ang una kong naisip. Kakaiba ang ngiti niya.

“Mula noon, lagi na akong nakaabang sa kanya kapag maglalaba sa ilog. Nakakadama ako ng kasiyahan at nalilimutan ang kalungkutan. Una kasing pagkakataon na mayroon akong nakausap na babae.

“Tinanong niya ako kung saan nakatira at kung may asawa na raw ba ako. Sinabi ko kung saan ako nakatira at sinabi ko rin na wala akong asawa. Nag-iisa lang ako dahil ulila na ako sa magulang. Napangiti siya. Lalo akong nagandahan sa ngiti niya. Tingin ko e inosenteng-inosente siya sa pagkakangiti. Masyado akong naakit kay Estrella.

‘‘Tapos siya na ang nagsabi na wala pa raw siyang nobyo. Hindi pa raw siya nakakita ng lalaking gusto niya. Pero baka malapit na raw dahil nakilala niya ako. E di lalo nang lumakas ang loob ko. Baka ako na ‘yun, naisip ko. Baka may gusto sa akin si Estrella dahil gustung-gusto niya akong kausap.

“Sa mga sumunod naming pagkukuwentuhan sa ilog, mayroon siyang sinabi na sobrang nakagulat sa akin…”

(Itutuloy)

AKO

DAHIL

ESTRELLA

KUYA TIBURCIO

NIYA

POLA

SIYA

TIYA ENCAR

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with