La Viuda (61)
ISANG mabilis na katok sa pinto ang nagpagulantang kay Ernesto. Nang buksan niya ang pinto, mabilis na pumasok si Hulyana na may bitbit na bote ng langis at isang dakot ng asin.
“Nasa baba na sila, Senyorito,” sabi ni Hulyana. “Itinali nila sina Kristina at Aling Pacing sa haligi ng bulwagan. Papatayin ng donya si Aling Pacing kapag hindi lumabas ang binata bago tumilaok ang manok.”
Napakuyom ng kamao si Ernesto sa galit. “Hindi puwedeng lumabas si Andres habang may kulam pa siya. Hulyana... kailangan mo akong tulungan.”
Tumango ang dalaga nang walang alinlangan. “Sabihin mo lang po, Senyorito.”
“Bumaba ka sa likod at puntahan mo ang bodega kung saan naroon ang palayok ni Mang Teban,” sabi ni Ernesto. “Buhusan mo ng langis ang mga tuyong dayami sa gilid at sindihan mo. Siguraduhin mong kakapal ang usok para magtakbuhan palabas sina Lucio at ang mga trabahador. Habang nagkakagulo sila, haharapin ko ang aking ina.”
Nagmamadaling lumabas si Hulyana upang isagawa ang mga iniutos ni Ernesto. Kinuha naman ni Ernesto ang lumang rebolber ng kanyang ama sa ilalim ng parador, sinuri ang bala nito, at mabilis na bumaba sa grand staircase.
Sa bulwagan, nakangisi pa rin si Doña Presentacion habang hinahaplos ang buhok ng umiiyak na si Kristina. “Ilang oras na lang, hija...”
Nang umalingawngaw ang boses ni Ernesto na nasa itaas ng hagdanan.
“Bitiwan mo siya!”
Napatingin ang lahat sa itaas ng hagdanan. Dahan-dahang bumababa si Ernesto, walang bakas ng takot sa mukha. Nang makarating siya sa gitna ng bulwagan, marahas niyang itinutok ang hawak na rebolber, hindi sa mga tauhan, kundi sa sariling sentido.
Napaatras si Doña Presentacion, nanlaki ang mga mata sa matinding gulat. “E-Ernesto?! Anong kahibangan ang ginagawa mo?!”
“Ernesto, itigil mo ‘yan!” sigaw ni Kristina, pilit na hinihila ang nakatali niyang mga kamay sa haligi.
“Pakawalan mo sina Kristina at Aling Pacing ngayon din!” sabi ni Ernesto. “Patakasin mo sila nang ligtas, o kung hindi... tatapusin ko na rito ang huling lehitimong dugo ng mga Valderrama!”
Itutuloy
- Latest
















