Thelma (116)
“TANONG sa akin ng babaing dumating kung natatandaan ko pa siya. Pero hindi ko agad maalala kung saan kami nagkita. At nang mahalatang nahihirapan na akong alalahanin kung sino siya ay sinabing siya si Angelica, anak ni Mam Mina. Siya raw yung nakausap ko sa phone noong mamatay ang kanyang mommy at siya rin yung naabutan ko sa Manila Memorial Park na binigyan ko ng librong aking sinulat.
“Bigla akong nag-sorry sa kanya. Hindi ko talaga agad naaalala. Pinapasok ko siya sa aking tirahan. Nagpasensiya ako dahil sa magulo ang aking inuupahang kuwarto. Okey lang daw. Tinanong ko kung ano ang kanyang sadya sa akin at mabuti’t alam niya ang address ko. Dahil daw sa librong sinulat ko na ang title ay “TAKAW”. Naroon daw pala ang kasaysayan ng kanyang ina. Nang mabasa raw niya ang story ay nagkaroon siya ng interes na ako ay hanapin. Ipinagtanong daw niya sa nag-published ng libro kung paano ako makokontak at kung saan ang address. At natagpuan niya ako.
“Tinanong ko kung ano ang maitutulong ko sa kanya. Wala naman daw basta naisipan lang niya akong hanapin. Kahit na raw nagpasalamat na siya sa akin sa phone noon, gusto niyang magpasalamat sa mga nagawa ko sa mommy niya. Napaligaya ko raw ang mommy niya. Sinabi pa ni Angelica na marami siyang nakitang mga sulat na ginawa ng kanyang mommy para raw sa akin. Inipon niya ang mga iyon at ibibigay sa akin.
“Kuwento pa ni Angeli-ca, isa na raw siyang dok-tora at may asawa na at isang anak. Doktor din ang asawa niya. Maligaya sila. Maari raw sa mga susunod na taon ay sa ibang bansa na sila manirahan kaya pinagsikapan na rin niyang makita ako.
“Balak daw niyang bumili pa ng mga libro ko at ipamimigay niya. Sasabihin daw niyang naroon ang istorya ng kanyang mommy.
“Bago nagpaalam si Angelica ay mahigpit niya akong niyakap at hinalikan. Salamat daw nang marami sa nagawa ko sa mommy niya. Hindi raw niya ako makakalimutan.
“Ang pagdalaw na iyon ni Angelica ay nagbigay ng inspirasyon sa akin para magsulat pa ng mga libro. Marami na akong naisulat at nagtagumpay ako. Sumikat ang pangalan ko pero....”
Tumigil si Trevor.
“Pero ano?” tanong ni Thelma.
“Hindi ako makakita ng katulad ni Mam Mina. Nag-iisa yata siya.”
Hindi makapagsalita si Thelma. Tiningnan nito ang relo.
“Aalis na ako Trevor. Baka hinihintay na ako ng anak ko.”
Tumayo sila at lumabas ng restaurant.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending