HINALIKAN lang ni Judith si Mang Caloy at umalis na ito. Na-bigla pa si Mang Caloy sa ginawang paghalik ni Judith. Hinabol na lang ng tingin ang anak.
Pumasok na si Mang Caloy sa tanggapang kinaroroonan ni Thelma. Kinutuban na siya na may nangyari. Hawak pa rin niya sa kamay si Trev na tila nagtataka na rin sa nangyari.
“Anong sinabi sa iyo ni Judith, Thelma?” tanong nang makapasok.
Hindi sumagot si Thelma.
“Anong sinabi sa iyo ng babaing iyon?”
Sa halip sumagot ay umiyak si Thelma. Nayugyog ang mga balikat.
“Anong sinabi sa iyo?”
“Wala.”
“Kung wala e bakit ka umiiyak?”
Napilitan na si Thelma. Sinabi lahat.
“Akala yata ay kayamanan mo lamang ang gusto ko kaya nagpa-kasal sa iyo.”
“Sabi ko na nga ba. Talagang ginagalit ako ng babaing iyon. Malayung-malayo sa ugali ni Ara.”
Nagpatuloy sa paghikbi si Thelma. Hindi siya iyakin pero kapag pala pinagsalitaan ng masakit ng ibang tao ay talagang kusang lalabas ang luha sa tindi ng sama ng loob. Aping-api siya.
“Pupuntahan ko at pagsasabihan si Judith. Baka akala niya ay tama ang ginawa niya!” sabing nanginginig ni Mang Caloy.
“Huwag na. Lalo lamang lulubha ang problema. Huwag na nating pansinin. Sinusunod ko na lamang ang payo ni Ara na huwag nang pansinin ang sinasabi niya.”
Nang mapansin ni Thelma na tila kinakapos sa paghi-nga si Caloy. Namumutla. Nataranta na si Thelma.
“Caloy! Caloy!”
(Itutuloy)