Thelma(78)
BALAK sana ni Caloy na isang linggo nilang isara ang damitan. Para raw ma-enjoy ang pagha-honeymoon. Balak nitong magtungo sa Boracay at sa Pinamalayan Beach pero tumanggi na si Thelma.
“Huwag na, Caloy. Sa ibang araw na lang tayo mamasyal. Sayang naman kung nakasara ang tindahan. Maraming suki ngayon dahil panahon ng anihan. Marami pa namang panahon.”
“Ikaw ang bahala, Thelma. Gusto ko lang sana na maipasyal ka sa Boracay at Pinamalayan. Para makapag-relax.”
“Saka na lang, Caloy. Meron pa namang bukas. Para marami pa tayong kitain at nang maidagdag sa itatayo nating negosyo.”
“Okey Thel.”
Nang magbukas sila ng tindahan kinabukasan, isang hindi inaasahang bisita ang dumating --- si Ara, anak na bunso ni Caloy. Galing Maynila.
Humalik kay Thelma.
“Nabalitaan ko ang pagpapakasal n’yo ni Papa,” sabi ni Ara na hindi inaalis ang pagkakahawak sa braso ni Thelma.
“Sabi ko kaming dalawa na lamang ang makaalam, Ara.”
“Okey lang sa akin, Thel. Kung ano ang makakaligaya kay Papa, maligaya na rin ako. At saka alam ko naman, magiging mabuti kang asawa sa kanya.”
“Asahan mo, Ara.”
“Si Ate Judith lang sa palagay ko ang magiging problema mo. Pero huwag mo na lang pansinin. Hindi naman siya ang pakikisamahan mo kundi si Papa.”
“Salamat sa payo mo, Ara.”
“Sa kanya ko nalaman na ikinasal kayo ni Papa kaya nga umuwi ako.”
“Paano niya nalaman, Ara?”
“Hindi ko alam basta nang tawagan niya ako, sinabi lang na may asawa na uli si Papa. Nang tanungin ko kung sino ang napangasawa, sabi ay yung tindera sa damitan.”
Hindi nakapagsalita si Marian. May naramdaman na agad siyang kirot.
“Basta huwag mo siyang pansinin. Gawin mo ang inaakala mong tama. Okey?”
“Salamat, Ara.”
Makalipas ang isang linggo, dumating si Judith. Nagkukuwenta siya ng benta nang dumating ang babae.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending