Thelma (62)
NAGPAMBUNO ang lalaki at ang ang amok. Ang la-laki ay walang iba kundi si Mang Caloy. Kahit matanda na ipinakita pa ring kayang makipag-agawan sa itak na hawak ng amok. Hindi humihinga ang mga nanonood. Bawat isa ay natulala at walang makakilos sa pagkabigla at dahil din siguro sa takot.
Nagpagulung-gulong ang dalawa habang parehong nakahawak sa matalas na itak. Pilit inaagaw ni Mang Caloy pero malakas ang amok. Bata pa ang amok at may kalakihan ang katawan. Hanggang sa makabitaw si Mang Caloy sa pagkakahawak sa itak at iyon ang sinamantala ng amok para siya mataga sa tiyan. Bumulwak ang dugo. Nagsigawan ang mga tao.
Pero kahit na may sugat si Mang Caloy, nagawa pa rin nitong makipag-agawan sa amok. Lalong tumapang nang masugatan. Ibinuhos na yata ang natitirang lakas para maagaw ang itak. Naagaw ni Mang Caloy ang itak at ubos lakas na naiunday sa amok. Tinamaan sa ulo. Sargo ang dugo.
Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan para magkaroon ng lakas ng loob ang mga kalalakihan na kuyugin na ang amok. Pinagsusuntok, at sinipa nila ang amok hanggang sa tuluyang sumubsob.
Noon dumating ang mga pulis at barangay tanod.
“Dalhin n’yo sa ospital si Mang Caloy! Dalhin n’yo sa ospital at baka maubusan ng dugo!” Sigaw ng isang babae.
Binuhat ng mga kala-lakihan si Mang Caloy at isinakay sa traysikel. Ang amok ay sinisiyasat ng mga pulis. Patay na yata ang amok. Nakasubsob pa rin sa semento ang amok at walang kakilus-kilos.
Si Thelma ay saka lamang nakabawi sa nadamang takot. Hinanap si Trev na noon pala ay yakap ng isang babae. Iyak nang iyak si Thelma nang makita ang anak. Niyakap nang mahigpit.
“Mama puntahan natin sa ospital si Papa Caloy,” sabi ng anak.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending