NANG aalis na si Trevor ay inabutan niya ng pera si Lola Imang. Nagtaka ang matanda.
“Para saan ire, Trevor?”
“Papasko ko po sa inyo, Lola Imang.”
“Malayo pa ang Pasko.”
“Ganun din ho yun. Sige na tanggapin n’yo na at naabala ko kayo.”
“Naku ay nahihiya ako sa iyo, Trevor. Ano ba ang maaari kong ibigay ko sa’yo para pasalubong mo sa mga magulang mo.”
“Huwag na po.”
“Ikaw ba ay may-asawa na?”
“Wala pa po. Wala pa po akong ipakakain sa magiging asawa ko.”
“”Yan nga ang problema rito sa amin, maraming nag-aasawa pero wala namang maipalamon.”
“Saka na lang po mag-asawa kapag may ipakakain na.”
“O e saan ka ba nakatira?”
“Namumuhay po akong mag-isa, Lola.”
“Ang mga magulang mo?”
“May sari-sarili na pong pamilya.”
Hindi na nagsalita pa si Lola Imang.
Tinanggap na nito ang perang bigay ni Trevor.
“Sige po Lola, aalis na ako. Babalik na lamang ako kapag tapos na ang libro. Dadalhan ko kayo ng kopya ng libro.”
“Sige mag-ingat ka Trevor. Salamat sa’yo.”
Umalis na si Trevor. Nilakad ang patungo sa sakayan ng traysikel. Habang naglalakad ay nag-iisip na naman siya nang panibagong isusulat. Marami pa siyang dapat maisulat para mabuo ang koleksiyon ng mga “Kuwentong Kalaguyo”.
Hanggang sa makarating sa sakayan ng traysikel. Walang traysikel doon. Naghintay siya. Maya-maya nakarinig siya ng ugong ng traysikel. Natanaw niya. Kinawayan niya. Agad na lumapit.
Sumakay siya.
“Ihatid mo ako sa sabungan,” sabi niya.
Humarurot ang traysikel.
Walang tao sa sabungan. Walang sabong dahil karaniwang araw. Alam niya kapag Sabado ang sabong.
“Papunta po kayo sa Maynila,” tanong ng drayber.
“Oo.”
“Sa terminal ng bus ko kayo ihatid.”
“Sige.”
Inabutan niya ng P100 ang drayber. Tuwang-tuwa.
Wala pang bus at ang mga pasahero ay naghihintay sa mga upuan. Naupo siya. Hanggang sa may naupong babae sa tabi niya. May edad na ang babae, pero halatang maganda noong kabataan pa. Halata ring mabait at tila edukada.
Ang babaing ito kaya ay may kuwento rin. Makakatulong kaya sa kanya para makabuo ng isa pang kuwento?
(Itutuloy)