Takaw (31)

NAGHINTAY ng tiyempo si Trevor Buenviaje kung kailan babalik si Dick. Matiyagang nag-abang sa may hagdan. Pero nang araw na iyon ay muk­hang may lakad si Ella, ang babaing nakatira sa ground floor. Isinara ang bahay niya. Nakita pa ni Trevor ang pagtawid sa kalsada at ang pagsakay sa dyipni.

Kung anu-ano ang nag­laro sa isip ni Trevor: Na­tu­­nugan kaya na may nakakapansin na sa kanila at sa labas na magkikita? O maaari namang mayroon lang silang lakad at magtatagpo lang sa isang lugar.

Tatayo na sana si Trevor sa kinauupuang hagdan nang may makitang tumatawid sa kalsada. Pinagmasdan muna niyang mabuti. Hindi siya nagkamali, si Dick ang paparating!

Hinayaan niyang makatawid si Dick. Nagtuloy ito sa bahay. Nang inaakala ni Trevor na kumakatok si Dick ay saka siya bumaba at kunwari ay wala siyang alam na naroon ang lalaki. Patay-malisya siya.

Okey ang plano niya! Si Dick pa ang bumati sa kanya. Kitam!

“Trevor, wala bang tao rito? Kumakatok ako pero naka-lock yata.”

“Baka naman natutulog.”

“Kinatok ko na eh. Hindi kaya may pinuntahan ang pinsan kong si Ella?”

“Hindi ko alam, Dick.”

“Sana pala tumawag muna ako sa pinsan ko ano? Sayang naman ang pagpunta ko rito.”

Iyon ang hinihintay na pagkakataon ni Trevor.

“O e di halika muna sa itaas. Habang hinihintay mo e dun ka muna. Wala naman akong kasama sa bahay.”

“Puwede Trevor?”

“Oo naman. Halika.”

Umakyat sila sa hagdan.

“Saan kaya nagpunta si Ella? Yung pinsan ko talagang iyon…”

“Babalik din siguro yun…”

Nakarating sila sa bahay ni Trevor.

“Halika, Dick.”

Pumasok si Dick.

“Tamang-tama meron akong nakatagong alak dito. Inumin natin habang naghihintay ka. Umiinom ka ba Dick?”

“Konti.” (Itutuloy)

Show comments