^

True Confessions

Ganti(79)

- Ronnie M. Halos -

MALAKING kasiyahan ang nadama ni Lorena sa mga narinig na papuri mula kina Lyra at Lea. Kuntento na ang mga ito at tila wala nang mahihiling pa habang nasa poder niya. Secure na secure at hindi natatakot dahil sa ipinakita niyang pagmamalasakit. Hindi lamang sina Lyra at Lea ang naringgan niya nang ganoon kundi pati na rin sina Ara, Angela, Kelly at mas lalo nga sina Pau at Encar na nagdanas nang matinding hirap habang nasa malupit at manyakis na amo.

“Ako naman ang sisilip sa bago nating baby,” sabi ni Lorena nang makalapit kina Lyra at Lea. Binigyan siya ng puwang ng dalawa para masilip ang baby ni Encar.

“Ay ang cute ng baby natin. Kumpleto na ang ligaya natin sa bahay. May makakalaro na si Felis…”’ sabi ni Lorena na ang kasiyahan ay halatang-halata sa boses.

‘‘Ate Lorena ano bang pangalan ng baby?” tanong ni Lyra.

“Fernando.”

“Si Encar po ang nag-isip ng pangalan?’’

‘‘Oo. Kinuha sa pangalan ng kanyang ama. Gusto raw niya e buhay na buhay ang pangalan ng ama. Yung ama pala niya noong nabubuhay pa e ay maraming nailigtas na kababaryo nila nang bumaha sa kanila. Kaso, siya ang nalunod sa dakong huli. Napaka-matulungin pala ng ama niya.”

“Kaya pala minsan sabi niya e hangang-hanga siya sa pangalang Fernando. Pati nga po sa action star na si FPJ ay hanga siya...’’

‘‘Andoy daw ang nickname nitong baby niya --- baby pala natin,’’ sabi pa ni Lorena.

“Ay ang cute naman ng nickname ni Baby Andoy. Bagay na bagay sila ni Felis.”

‘‘Ikaw Lyra kailan mo naman kami bibigyan ng baby,” pabirong tanong ni Lorena.

“Ay naku Ate Lorena wala pa akong balak. Kapag mayroon na akong balak ikaw ang unang-unang makakaalam.”

“E may boyfriend ka na ba?”

“Wala pa nga Ate.”

‘‘Paano ka magkakaanak e wala ka palang boyfriend?’’

“Puwede kaya magpaanak na lang, Ate? Problema rin kasi kapag hindi nakasundo ang lalaki. Baka maghiwalay lang.”

“Sira e di bago ka magpabuntis, siguruhin mo muna.”

Natahimik si Lyra. Susundin niya ang payo ng kanyang Ate Lorena.

Nang iuwi si Baby Andoy ay tila piyesta na naman sa bahay ni Lorena. Pinagkaguluhan ang bagong miyembro ng pamilya.

Nagkataon na naroon ng araw na iyon ang anak ni Lorena na si Edel. Tuwang-tuwa ito at kinarga pa si Andoy.

Sa di-kalayuan ay nakati­ngin lang si Lorena. Tila hindi man lang pumapasok sa isipan ni Edel na ang kalong niyang sanggol ay kapatid niya sa ama. At maski ang sanggol na si Felis na anak ni Pau ay hindi rin niya alam na kapatid niya. Si Lorena lang ang tanging nakaaalam niyon. At nagdadalawang-isip siya kung ipagtatapat pa ang nakatagong bahagi ng kanyang buhay sa mga babaing ‘‘naisalba’’ niya.

Nagulat na lang si Lorena nang magkomento sina Ara at si Angela habang kalong ni Edel si Baby Andoy.

‘‘Edel, magkamukha kayo ni Andoy. Parang magkapatid kayo,’’ ani Ara.

“Oo nga. Pareho kayong singkit,’’ sabi naman ni Angela­.

(Itutuloy)

vuukle comment

ATE LORENA

BABY

BABY ANDOY

EDEL

LORENA

LSQUO

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with