^

True Confessions

La Viuda (67)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Nang tuluyang makarating sa hacienda ang trak ng bumbero at ang mga sasakyan ng pulis, mabilis na nagkakagulo ang buong paligid. Sa gitna ng usok at liwa­nag ng mga sirena, hindi nagtangkang tumakas si Ernesto. Sa halip, siya mismo ang lumapit sa hepe ng pulisya at itinaas ang mga kamay.

“Ako si Ernesto Valderrama,” pakilala niya sa mga pulis,­ kasabay ng pagtingin kina Andres, Kristina, at Aling Pacing­ na inaalalayan ng mga rumespondeng bumbero. “Sasabihin ko sa inyo ang lahat. Mula sa pagdukot kay Andres hanggang sa lihim na silid sa ilalim ng lupa ng aming mansiyon.”

Bago siya isakay sa police car upang magbigay ng opisyal na salaysay, muling lumingon si Ernesto. Nagtama ang mga mata nila ni Andres, isang tahimik na pagpapatawad at pasasalamat ang namagitan sa dalawa. Para naman kay Kristina, isang marahang tango ang ibinigay ni Ernesto, tanda na tuluyan na niyang pinalalaya ang babaeng minahal niya.

Matapos tuluyang maapula ang apoy, natagpuan ng mga bumbero ang walang buhay na katawan ni Doña Presentacion sa gitna ng natupok na bulwagan, mahigpit pa ring nakayakap sa larawan ni Emilio, habang si Mang Teban ay nadaganan ng gumuhong haligi. Ang pagkahukay ng mga pulis sa underground ang nagpatunay sa lahat ng salaysay ni Ernesto.

MAKALIPAS ang anim na buwan, payapa at maliwanag ang sikat ng araw sa bagong bahay nina Andres sa kabilang bayan, isang maaliwalas na tahanan na na­ipatayo nila mula sa bahagi ng lupain at kabayarang ipinagkaloob ni Ernesto para sa mga naging biktima ng kanyang ina.

Sa loob naman ng salas, marahang idinuduyan ni Andres­ sa kanyang mga bisig ang isang malusog na sanggol na lalaki. Lumapit si Kristina mula sa kusina, may dalang ma­init na kape, at hu­milig sa balikat ng asawa habang nakatitig sa kanilang anak.

“Kamukhang-kamukha mo ang anak natin, Andres,” bulong ni Kristina habang hinahaplos ang pisngi ng asawa.

Ngumiti si Andres, hinalikan ang noo ni Kristina, at tumingin sa bukas na bintana kung saan malayang pumapasok ang sariwang hangin at liwanag ng umaga. Sa wakas, hindi na siya anino ng sinuman, siya na ang sarili niyang liwanag. (Itutuloy)

LA VIUDA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with