May hiyas pa sa liblib (120)

“KUYA Fred, may naghahanap po sa iyong lalaki. Ricky daw ang pangalan,” sabi ni Lorena, yung anak ng katiwala niya sa Bgy. Luningning.

“Ricky? Sinong Ricky?”

“Ewan ko po. Basta si Ricky daw po siya.”

“Sige at lalabas na ako. Inaayos ko lang itong kaha. Asan si Ate Ganda mo, Lorena?”

“Nasa kusina po at hinahango ang mga puto.”

“Sabihin mo siya muna rito sa kaha at kakausapin ko lang kung sino ang Ricky na ito.”

“Opo Kuya.”

Lumabas si Fred. Hinanap niya sa kumpol ng mga kustomer ang sinasabing si Ricky. Hindi niya makita. Sino ba tong Ricky na ito?

Nang biglang may tumapik sa balikat ni Fred sa dakong likuran niya.

“Bayaw!”

Nagulat si Fred. Buma-ling sa likod at matagal niyang tinitigan ang lalaki. Tinawag siyang bayaw. Naalala na niya. Si Ricky. Kapatid na panganay ni Precy, ang asawa niyang nagtaksil sa kanya.

“Nakalimutan mo na ako Bayaw? Ako si Ricky.”

Mahigpit siyang niyakap ni Ricky. Payat na si Ricky. Ang maskuladong katawan ay parang lobong nawalan ng hangin. Si Ricky ang nagsumbong sa kanya ng ginagawang kataksilan ng kapatid na si Precy. Kinunan ng picture ang pagtatalik ni Precy at kalaguyo nito at pinadala sa kanya sa Saudi.

“Kumusta ka Ricky?”

“Eto may diabetes. Ikaw, akala ko nasa malayong lugar ka?”

“Dati. Pero dito rin pala susuwertehin. Medyo asensado na. Paano mo nga pala nalaman itong aroskalduhan ko, Bayaw?”

“May nakapagsabi lang. Diyan lang kasi ako nakatira sa may Pasong Tirad. Sabi may masarap na aroskaldo at batsoy dito at saka puto. Sinubukan ko. Masarap nga. Tapos nalaman ko ikaw pala ang may-ari nito.”

“Ang liit talaga ng mundo ano, Bayaw?” sabi ni Fred.

“Oo nga.”

“Halika sa loob at doon tayo magkuwentuhan.”

Nagtungo sila sa loob. Nakatingin sa kanila si Ganda habang nasa kaha.

“Maganda ang kahera mo, Bayaw.”

“Yan ang magiging asawa ko, Bayaw.”

“Talaga. Mabuti naman at nakabangon ka na sa ginawa ng tarantada   kong kapatid. Meron akong ikukuwento, Bayaw. Tamang-tama sa inyong dalawa ng mapapangasawa mo.”

“Tungkol kay Precy?”

“Oo. Patay na siya.”

(Itutuloy)

Show comments