KINABUKASAN, maagang nagising si Fred. Nauna-han pa si Mulong. May nakitang kakaibang sigla si Mulong kay Fred.
‘‘Malay mo naroon pala sa palengke si Ganda. Ano sa palagay mo Muls ?’’
“Oo Kuya. Baka doon pala kayo magkikita.’’
‘‘Kasi’y yung lugar na iyon ang kabisado niya. Palagay ko dahil sa higpit ng amo niya e talagang doon lang sa Paco ang alam niya…”
Tumango lang si Mulong. Parang may kakaiba siyang nararamdaman kay Kuya Fred niya.
‘‘Kasi’y sabi ni Ganda nang huli kaming mag- usap ay humihingi siya ng tulong. Hirap na hirap na raw siya. Sabi ko naman, itatakas ko na siya. E masyadong matatakutin. Baka raw siya makita ng guwardiya. Kung nakinig siya sa akin e di sana nakataklas na siya...’’
Ano itong nangyayari kay Kuya Fred niya. Baka sa sobrang pag-iisip kay Ganda ay pinasok na ng hangin ang ulo at...
‘‘Nang una kong makita si Ganda sa Paco ay alam ko nang may problema siya. Nakita ko sa mga mata niya. Kakaiba ang mga mata niya na parang may kinatatakutan. Siguro’y pinagtatangkaan na siya ng amo niyang addict. Wala lang siyang magawa dahil natatakot siya. Gusto man niyang tumakas ay hindi magawa dahil wala siyang pupuntahan dito. Kaya nang magkita kami sa Paco ay biglang nagkaroon ng pag-asa ang mga mata niya...’’
Napatango na lang uli si Fred. Hayaan na lang niya si Kuya Fred niya na sabihin ang lahat nang gustong sabihin. Yun daw masyadong mataas ang pag-asam na makikita ang hinahanap ay nagkakaroon ng katuparan.
“Ano Muls, tayo na sa Paco at baka naroon na si Ganda ay mainip sa paghihintay... ’’
‘‘Tayo na Kuya.’’
Sa dyipni naman ay walang kakibu-kibo si Fred. Nag-iisip.
Pagdating sa Paco ay halos lundagin ang dyipni para makababa. Mabilis ang paglalakad para makarating sa palengke.
Mga ilang metro ang layo sa harapan ng palengke ay isang babae ang nakita ni Mulong na nakangiti sa kanila. Naghihintay. Puting blusa ang suot. Habang papalapit sila ay napapansin niya ang kakaibang ganda ng babae.
‘‘Sabi ko na sa’yo Muls ayan siya o. Sabi ko na sa’yo, ’’ sabi ni Fred.
Gustong manindig ng balahibo ni Mulong.
(Itutuloy)