May hiyas pa sa liblib(101)
“ANONG nangyari, Kuya?” tanong ni Mulong. Iniwan nito ang ginagawa sa aroskalduhan at sumunod kay Fred.
“Hindi ko nakita si Ganda. Nasunog ang restaurant nila,” malungkot si Fred.
Kinilabutan si Mulong.
“Sa palagay mo Kuya, kasama siya sa nasunog?”
“Hindi ako sigurado pero malakas ang kutob ko, nakaligtas siya.”
“Iniimbestigahan na siguro ng mga bumbero ano Kuya?”
“Siguro, Mulong. Kanina nang umalis ako e malaki pa ang apoy. Maraming bahay ang nadamay sa Bilibid Viejo.”
“Malalaman na siguro bukas kung sino ang mga namatay.”
“Usapan na ang may-ari ng restaurant, anak at ilang bedspacers ang nasunog daw.”
Nanlumo si Mulong.
“Sige Kuya, lalabas lang,” paalam nito dahil maraming kumakain sa aroskalduhan.
Naupo si Fred sa sopa. Pagod na pagod siya. Kung buhay si Ganda, nasaan ito? Naalala niya nang tawagan siya ni Ganda habang nasusunog ang restaurant. Takot na takot ito. Nasusunog daw ang restaurant. Malakas na malakas daw ang apoy. Baka naman may fire exit sa second floor at doon nagdaan si Ganda. Pero sa pagkakayari ng bahay, tila walang fire exit. Luma na ang bahay. Karamihan ay yari sa kahoy.
Pero malakas ang kutob ni Fred na nakaligtas si Ganda.
Kinabukasan, balita sa TV ang malaking sunog sa Bilibid Viejo. Sampu ang namatay. Karamihan ay hindi makilala dahil sa grabeng pagkasunog. Yung iba ay magkayakap na natagpuan. Yung iba ay natagpuan sa comfort room. Hinihinalang doon nagkulong para maiwasan ang apoy. Ayon sa imbestigasyon, walang fire exit ang bahay. Sumabog ang tangke ng LPG sa restaurant at mabilis na kumalat sa second floor ang apoy.
Ilang araw na ang nakalipas ay tulala pa rin si Fred. Walang sigla. Si Mulong ang abala sa kanilang negosyo. Ito na rin ang mag-isang namamalengke.
“Bahala ka na lang muna sa negosyo natin, Mulong. Parang wala pa akong gana.”
“Oo Kuya. Magpahinga ka na lang muna.”
“Mga ilang araw lang at manunumbalik din ang sigla ko.”
“Walang problema Kuya. Kaya ko naman ang trabaho.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending