^

True Confessions

May hiyas pa sa liblib(55)

- Ronnie M. Halos -

NAGDALA ng kalahating sako ng bigas si Fred sa pag­tungo kina Lola Angela para meron siyang dahilan kaya nagtungo roon. Kung solong katawan lang siya, ano ang sasabihin niyang dahilan kung bakit nagtungo. Kung may bitbit, hindi na niya kailangang magpaliwanag.

Alas kuwatro ng hapon siya nagtungo. Mababa na ang araw. Habang naglalakad, hindi naman niya maiwasang kabahan dahil sa nangyari sa sapa. Malay ba niya kung ano ang sinumbong ni Ganda sa kanyang lola. Baka sinumbong siyang naninilip. At baka iyon ang dahilan kaya hindi na nagtutungo sa kanyang kubo ang matanda. Nagalit na ang matanda sa kanya. Baka ang turing sa kanya ay kaibigang putik o bantay-salakay. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang mangyari ang insidente sa sapa. Sa tagal na iyon, nagpapakitang merong ikinagalit ang matanda.

Mabilis ang paglalakad ni Fred. Balewala ang kalahating sakong bigas. Matataas ang mga damo sa pagtungo kina Lola. Delikado para kay Ganda na masundan kung galing sa paliligo. Maaari siyang gahasain sa damuhan. Sa sobrang kapal ng damo, maski magsisigaw siya ay walang makakarinig sa kanya.

Habang papalapit siya sa kubo ng matanda ay iniisip na ni Fred ang mga sasabi­hin. Sa­sabihin niyang kusa na si­yang nagdala ng bigas sa ma­tanda dahil baka ubos na ang ginagamit nito sa pagpuputo. Ida­dagdag niyang para hindi masayang ang pagpunta kaya nagkusa na siyang nagdala.

Habang papalapit sa kubo ay nagtataka si Fred sapagkat parang tahimik na tahimik. Dati malayo pa siya ay may naririnig na siyang nag-uusap mula sa kubo. Madalas magkuwentuhan ang maglola. Habang naghahanda ng kanilang gagawing puto ay walang tigil sa pagkukuwentuhan.

Pumasok siya sa bakuran. Tahimik pa rin. Sarado rin ang bintana ng kubo. Dati namang nakabukas ang bintana kapag nagpupunta siya.

“Lola Angela! Lola Angela!” tawag ni Fred. Baka naman natutulog ang maglola kaya tahimik ang kubo.

Walang sumasagot. Inulit niya ang pagtawag. Wala pa rin.

Nararamdaman niya ang bigat ng kalahating sako ng bigas. Kailangang maibaba niya. Sinubukan niyang itulak ang nakasarang pinto ng kubo. Nakatali. Wala ngang tao! Ipinatong niya ang bigas sa baytang ng hagdan.

Sumilip siya sa awang ng pinto. Kawayan ang pinto. Iginala niya ang tingin sa loob ng kubo. Walang tao. Nasilip niya ang gilingan sa sulok. May mga tuyong dahon sa tabi ng gilingan. Ibig sabihin matagal na silang wala dahil natutuyo na ang dahon ng saging. Baka mga anim o limang araw nang wala rito sina Lola Angela at Ganda.

Ipinasya ni Fred na maghintay pa. Malay niya baka ngayon dumating ang maglola. Baka may pinuntahan lang.

Nang hindi makuntento ay naisipan ni Fred na magtungo sa silong at silipin kung ano ang nasa loob ng kubo. Doon siya pumuwesto sa bahaging pinagtaguan niya noon.

Wala siyang nakita kundi ang tuwalya na nakatiklop at nakapatong sa mesita. Ang tuwalya ay ginamit ni Ganda na pambalot sa katawan. Maliban doon ay wala na siyang nakita. Ang konklusyon niya, mabigat ang dahilan kaya umalis ang maglola.

Ipinasya ni Fred na umalis na. Binuhat muli ang kalahating sakong bigas.

Nasa bahaging damuhan siya nang matanaw ang dalawang lalaki na balak manilip kay Ganda. Patungo ang dalawa sa kubo nina Lola Angela!

(Itutuloy)

BAKA

DATI

FRED

HABANG

IPINASYA

KUBO

LOLA ANGELA

NIYA

SIYA

WALA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with