Black Pearl (84)

“YUN po kasing asawa ni Fernando, e naging nobya ko noong araw. Matagal na po ‘yon. Nabalitaan ko po na nag-asawa na nga raw pero hindi ako nani­niwala. Nagbabakasakali po akong dalaga pa kaya ako narito sa Pinamalayan pero totoo pala ang balita…”

“Ah ganoon baga?”

Paniwalang-paniwala si Mang Nado sa nilubid kong buhangin.

“E ikaw ba ang nanini­walang magagawang man­lalaki ng asawa ni Fernando?”

“Hindi po.”

“Sabagay hindi ko pa nakikita ang babaing iyon pero maganda raw sabi ng pamangkin ko at sexy. Hanggang ngayon daw kahit dalawa na ang anak e makurbada pa rin. Totoo bang maganda?”

“Noon po talagang ma­ganda at mabait. Mapagka­katiwalaan pa.”

“Ganoon baga. E bakit kaya may tsismis na kumal­at na nanlalaki raw at nahuli pa nga ni Fernando. Siguro e sinisiraan lang yung tao. Alam mo naman kapag si­nusuwerte ang isang tao, marami ang naiinggit ano?

Maraming gustong hu­matak pababa.”

“Oo nga po.”

“E bakit naman hindi   mo naging asawa yung babae, Frank?”

Iyon ang hindi ko napag­handaan. Pero mabilis din akong nakapag-isip.

“Meron din po kasi akong nobya pang isa noong pa­nahong iyon.”

“A, matinik ka rin pala   sa babae. Guwapo ka kasi. Magkatulad pala tayo,” sabi ni Mang Nado at inila-pit ang bibig sa taynga ko. “Ma­rami rin akong tsik nung araw. Napikot lang ako niyang si Aling Encar­mo,” sabi at nagtawa. Nag­tawa rin ako. Masarap ka­kuwen­tuhan ang matanda. Inabot kami ng hatinggabi sa pag­kuku­wentuhan.

Kinabukasan, hindi ko inaasahan na dadalawin si Mang Nado ng pamangkin niya na nagtatrabaho sa lupain ni Fernando. Ipinaki­lala ako ni Mang Nado. Raul ang pangalan ng kanyang pamangkin. Mga 35 anyos marahil si Raul. Marami pa akong nalaman sa kanya tungkol kay Fernando at Melissa.

“Mabait si Sir Fernando at si Mam Melissa. Kung hindi dahil sa kanila e baka hindi ko mapag-aral sa May­nila ang anak ko.”

Sa kambal na anak nina Fernando at Melissa ako tumutok ng pagtata-nong.

“Ang gaganda ng dala­wang bata. Meron akong kuha sa cell phone...”

Lalo akong hindi napa­kali sa sinabi ni Raul. Bakit lumulukso ang dugo ko?” (Itutuloy)

Show comments