Black Pearl (48)
“NAGLILIYAB na ang pinto ng aming kuwarto. Pero malakas ang loob ni Melissa at madaling nakaisip ng paraan. Kinuha ang dalawang makapal na blanket at binalabal sa akin at yung isa ay binalabal naman niya. Saka buong tapang na sinagasa ang nagliliyab na pinto. Buong lakas na itinulak ang wheelchair ko. Pumikit na lamang ako. Dere-deretso ang wheelchair na para bang sasakyan na nawalan ng preno. Nang magmulat ako nasa labas na kami ng bahay. Yung laylayan ng blanket me naiwang baga ng kawayan. Pero ako walang paso kahit anuman. Si Melissa, may bahagyang paso sa paa dahil natapakan ang bumagsak na suliras na kawayan. Pero buhay na buhay na kami. Napaiyak ako.
“Hindi ko malilimutan ang pangyayaring iyon, Frank. Ikalawang buhay ko. Kung hindi dahil kay Melissa, tupok na tupok sigurado ako. Puwede niya akong iwan sa loob ng bahay at iligtas ang sarili pero hindi iyon ginawa ni Melissa. Talagang ginawa niya ang lahat ng paraan. Kung hindi niya naisip na ibalabal ang blanket, naku para kaming baboy na nilitson. Mabilis pala siyang mag-isip ng paraan kapag ganoong nasa kagipitan.
“Mula noon, pinatawad ko na si Melissa sa lahat ng mga kasalanan sa akin. Kung ikaw ba, Frank ang nasa gitna ng ganoong kahigpit na sitwasyon at iniligtas ka ng taong may kasalanan sa’yo, hindi mo pa ba siya patatawarin? Siguro kahit ilang beses baka patawarin mo ang nagkasala sa iyo.”
Napatango-tango naman ako. May katwiran ngang patawarin ni Fernando si “itim na perlas”. Kaya siguro kanina ay nagpapahiwatig na si Fernando na kahit magtalik kami ni Melissa ay okey lang. Hindi niya tuwirang sinabi pero ganun ang gusto niya. Dahil sa laki nang utang na loob niya kay Melissa, kahit na anong gawin nito okey sa kanya. At siguro dahil na rin sa wala siyang kakayahan na paligayahin ang asawa.
“Natatandaan mo na madalas kong sabihin na na naaawa ako kay Melissa. Naaawa ako dahil sa malaking sakripisyo sa akin at naaawa rin dahil alam kong may pangangailangan din siya sa sarili. Bata pa siya at masabaw.”
Napatingin ako kay Fernando. Sinusukat ko siya. Tinatantiya ang damdamin. At nang inaakala ko na maaari nang itanong iyon, hindi ko na pinigil pa ang sarili.
“Kahit pa pumatol sa iba si Melissa, okey lang sa’yo.”
Tumango.
Hindi ako makapagsalita.
“Kailangang tanggapin ko ang katotohanan, Frank. Wala na e. Ano pa bang gagawin ko? Kahit ano pang gawin ko, wala na talaga. Noon pa, matapos niya akong iligtas, sabi ko bigyan na siya ng kalayaan….”
Tumigil si Fernando. Nagsalin ng alak. Uminom.
“Ikaw Frank, kaya mo bang ginawa ko?”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending