MATAMIS ang pagkakangiti ni Melissa nang dumating kami ni Fernando. Napansin ko na bahagyang basa ang buhok niya.
“’Ma, ayos na ang lupang bibilhin ni Frank. Nakita na niya at tulo laway na itong kaibigan ko,” sabi ni Fernando habang inaalalayan ni Melissa sa pagbaba sa sasakyan.
“Baka naman magbago ang pasya niyan,” sabi ni Melissa na hindi naman tumitingin sa akin.
“Hindi na ‘yan magbabago ng pasya dahil nakita niya na may falls pa ang lupa niya.”
“Anong falls?” tanong ni Melissa. Inaayos niya si Fernando sa wheelchair.
“Falls! Talon.”
“Parang katulad sa Puerto Galera — yung Tamaraw Falls?”
“Hindi naman ganoon kaganda pero pagdating ng panahon, baka maging ganoon.”
“Aba magkaroon pa ng resort itong kaibigan mo?”
“Posible ‘yun.”
Sumunod ako sa kanila sa pagpasok sa loob ng bahay.
“Kaya talagang dito na maninirahan si Frank. Sabi ko sa kanya, magpagawa ng bahay dun sa lupa. Kapag meron nang bahay doon, e di doon naman kami mag-iinuman. Siguro mas masarap doon dahil pawang mga kahoy ang nakapaligid.”
“Diyos ko naman, Fernando ba’t dadayo pa roon e okey naman dito sa bahay. E kung abutin ka ng stroke dun, paano ka isusugod sa ospital. Mala-yo yun di ba?”
“Malapit lang yun. Kapag nakita mo ang lugar, hahanga ka.”
“Baka may NPA run.”
“Wala.”
Nakapasok na kami sa loob. Ipinaalala ni Fernan-do ang “session” namin.
“Iinom uli kami, ‘Ma. Magluto ka ng masarap na pulutan.”
“Iinom na naman ta-pos…”
“Tapos ano?”
“Malalasing.”
“Enjoy naman ako. Mabuti nga at masaya ako.”
“Ano bang pulutan ang gusto n’yo?”
“Inihaw na baboy at saka sinigang na maya-maya,” sabi at saka binalingan ako ni Fernando. “Ikaw Frank anong gusto mong pulutan?”
“Okey na sa akin ang sinigang na maya-maya.”
Saka lamang tumingin sa akin si Melissa. Bahagyang napangiti.
“Siyanga pala, ‘Ma, sabi ko kay Frank kailangan mag-asawa na siya para me kasama siya sa bahay na ipagagawa niya. Ihahanap ko siya.”
“Naku, bibigyan mo lang ng sakit ng ulo si Frank. Mas maganda na’ng wala siyang asawa…”
Napatingin ako kay Melissa.
(Itutuloy)