Laman (53)
Nakasaad sa text ng taga-punerarya na walang gaanong tao sa pinagbuburulan ni Joshua. Maaaring natutulog dahil sa mag damagang puyat. Pumunta na raw agad si Ate Lina habang wala pa roon ang mga kamag-anak ni Joshua.
Simpleng t-shirt lamang at pantalong maong ang suot daw ni Ate Lina. Naka-sunglass daw siya. Bahagya niyang binago ang ayos ng buhok. Hindi na raw siya makikilala sa ayos na iyon.
Nang makarating sa second floor ng punerarya ay agad niyang hinanap ang silid na kinabuburulan ni Joshua. Hindi naman siya nahirapang hanapin iyon. Kakaunti nga ang mga taong naroon at karamihan pa ay mga bata. Walang inaksayang panahon si Ate Lina at lumapit sa kabaong ni Joshua. Pinagmasdan ang nakahimlay na kasintahan. Panatag ang mukha ni Joshua. Mahusay ang pagkakameyk-ap kaya natakpan ang dinaranas na sama ng loob na tinaglay hanggang sa kamatayan. Si Joshua ang magandang halimba-wa ng karaniwan nang naririnig na “parang natutulog lang”. Naitago ng meyk-ap ang kinikimkim na sama ng loob ni Joshua. Tahimik na umiyak si Ate Lina. Gusto man niyang humagulgol ay pinigil niya ang sarili. Baka mahalata siya.
Ilang minutong pinagmasdan ni Ate Lina ang mukha ni Joshua. Hanggang sa ipasya na niyang umalis.
“Paalam Joshua,” bulong niya. Habang naglalakad palayo sa kabaong ay namamalisbis ang luha niya. Nang makalabas sa silid-burulan ay saka siya huma gulgol nang todo. Wala na siyang pakialam kung may makakakita man. Wala na siyang kinasisindakan.
Nang panatag na ang sarili ay ipinasya nang bumaba pero nang nasa kalagitnaan ng hagdan ay nagbalik siya. Nakalimutan niyang basahin sa may pintuan ng burulan ni Joshua kung kailan ang libing. Nang makarating doon ay inilista ang mga detalye, araw at oras ng libing. Matapos isulat ay nag-mamadaling nanaog.
Habang nasa dyipni ay iniisip na ni Ate Lina kung paano ang gagawing diskarte para makadalo sa libing ni Joshua. Iyon ang huling pagkakataon na makikita niya ang kasintahan. Kailangang gumawa siya ng paraan.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending