Karugtong ng Init(72)
HABANG naghihintay ay kung anu-ano na ang aking iniisip. Paano kung si Michelle nga na dati kong nobya ang lumabas? Narito siya sa Pilipinas dahil nagbabakasyon. Na ang bahay na ito ay hindi naman pala ipinagbili. Pero ako na rin ang tumututol sa mga isiping iyon. Mahirap mangyari sapagkat ayon sa kapatid kong si Abby ay wala nang balak si Michelle na dito manirahan. Lalo raw nadagdagan ang sakit ng kalooban ni Michelle nang mamatay ang ama. Masyadong nasaktan sa nangyari sapagkat naghirap nang todo sa paghanap ng perang pang-operasyon sa ama tapos ay mamamatay lamang pala. Nakadagdag sa sakit na idinulot ng pagtataksil ko. At sabi pa ni Abby baka raw may asawa na si Michelle. Iyon daw ang mga matinding dahilan kung bakit ipinasyang huwag nang manirahan dito si Michelle at ang kapatid.
Nakarinig ako ng mga yabag na papalapit. Eto na marahil ang taong tinawag ng babaing kausap ko kanina. Hindi ako humihinga. Ano ba itong nangyayari sa akin?
Nang nasa harapan ko na ang may-ari ng mga ya-bag ay hindi ako makapaniwala sa nakita. Dinadaya ba ako ng aking mga mata? Si Michelle ang nasa harapan ko! Ang dati kong nobyang pinagtaksilan ko!
“Michelle!” nasabi ko.
Pero nanatiling nakatingin lamang sa akin si Michelle. Walang reaksiyon. Malamig. Tila ba walang buhay.
“Akala ko, sa Australia ka na nakatira…”
Wala pa ring kaimik- imik si Michelle. Napansin ko na may mga lungkot sa kanyang mga mata. Dulot marahil ng problemang ipinagkaloob ko sa kanya. Ano ba ang gagawin ko? Paano ba ako makikiusap? Paano ako hihingi ng tawad?
Hanggang…
“Michelle, sorry sa lahat nang nagawa ko. Matagal ko nang pinagsisihan ang lahat. Kailangan ko ang patawad mo para magkaroon ako ng katahimikan…”
Pero wala na yatang panahon si Michelle sa paghingi ko ng patawad. Hindi na yata niya ako mapapatawad sa nagawang kasalanan.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending