Ang kasalanan namin ni Luningning(54)
NANG araw na aalis si Luningning ay mahigpit na niyakap ang aming anak na para bang iyon na ang hu-ling pagkikita. Palibhasa’y wala pang kamuwang-muwang si Joepe ay nakatingin lamang sa umiiyak na ina. Pinahid pa ng daliri ang naglandas na luha sa pisngi ng ina.
“I love you anak. Pipilitin kong makabalik para sa iyo,” sabi ni Luningning.
“Ano ba namang paalaman yan at para kang bibitayin doon na mahirap nang makabalik.”
Nagtawa si Luningning.
“Malay mo may mang-yari sa akin doon.”
“Sira! Dapat positibo ang isip mo. Alalahanin mo may anak ka.”
“Kaya nga sinabi kong babalik ako. Ano ka ba Gina.”
“O magtatalo na naman tayo e paalis ka na.”
“Kasi nakaka-stress ka. Hindi ko na nga alam ang gagawin kong pagpapa-alam kay Joepe e.”
“Siya, siya sige na. Wala ka nang maririnig sa akin.”
“Basta kayo na muna ang bahala kay Joepe. Siguro naman madali akong makakahanap ng trabaho roon at mapapadalhan ko kayo.”
“Huwag mo munang isipin iyon, Luningning. Marami ka pa namang naiwang pera di ba. Yung kinita mo sa Saudi e intact pa.”
“Basta magpapadala ako. Ayaw kong maging pabigat sa inyo si Joepe.”
“Sana naman ay makauwi kayo rito ng magiging asawa mo.”
“Pipilitin ko. Bahala na.”
Nang nasa airport na ka-mi at nakatakdang nang pumasok sa loob ng airport si Luningning ay niyakap uli nang mahigpit si Joepe. Muli may luhang umagos. Pagkatapos ay bumitiw na sa pag-kakayakap sa anak at hindi na lumingon pa sa amin. Tuluy-tuloy na pumasok na parang wala nang balikan.
Nang tingnan ko si Gina ay ito naman ang umiiyak. Hawak niya sa kanang kamay si Joepe na nakatingin sa mga taong naglisaw sa airport.
“Tayo na Gina at itinataboy na ng mga pulis ang mga naghahatid.”
Nagtungo kami sa nakaparadang sasakyan at umalis na kami. Pakiramdam ko, iyon na ang huli naming pagkikita ni Luningning.
Ewan ko ba kung bakit ganoon ang naramdaman ko.
Sa akin lamang pala ipinagtapat ni Luningning ang tungkol sa pagsisinunga- ling sa kanyang mapapangasawa. Hindi niya ito binanggit kay Gina. Hindi naman ako mapakali kaya sinabi ko ang totoo sa aking asawa.
“Akala ng mapapangasawa ni Luningning ay dalaga pa ito, Gina.”
“Paano kung mabisto na may anak na, Rico?”
“Baka hiwalayan siya ng Francis na iyon.”
(Itutuloy)
- Latest
- Trending