Ang kasalanan namin ni Luningning (21)
PERO katulad ng kri minal na muling bumabalik sa pinangyarihan ng krimen, ganoon ang nangyari sa akin. Ayaw ko, pero kapag naiisip ko ang mga nangyaring pagsisiping namin sa unang gabi ni Luningning, hindi ako mapakali. Hindi ko maipaliwanag kung ano ang nangyayari sa akin.
Hinatak ako ng aking mga paa isang umaga ng Biyernes sa tirahan ni Luning ning. Bahala na.
“O ‘kala ko hindi ka na pupunta rito?” sabi niya makaraang papasukin ako.
“Sinong me sabi?”
“Wala. Kasi’y matagal ka bago uli nagpunta. O pinapunta ka uli ni Gina rito?”
“Pareho.”
“Anong pareho?”
“Gusto kong pumunta at utos din ni Gina.”
Napaumis si Luningning.
“Kakain ka? May pinakbet diyan at beef steak. Bagong saing ang kanin…”
“Sige. Gutom na nga ako.”
Naghain si Luningning. Naamoy ko ang bango ng bagong saing na kanin. Naamoy ko rin ang beef steak.
“Kain na.”
“Ikaw?”
“Medyo busog pa ako.”
“Halika na. Sabay na tayo. Ayaw kong may nanonood sa pagkain ko.”
“Ang arte mo naman,” sabi at umumis uli. Kumuha ng plato. Tumabi sa akin.
Ipinaglagay ako ng kanin sa plato. Iniabot ang beef steak. Kumutsara ako. Tapos ay siya naman ang naglagay ng kanin sa kanyang plato. Kumutsara rin ng beef steak.
“Gusto mo bang maraming sibuyas, Rico?”
“Okey na ito,” sabi ko. Nagsimula na akong sumubo. Masarap ang beef steak. Palibhasa’y hindi ako nakakakain ng ganitong luto sa aming messhall.
“Masarap ang luto mo, Luningning.”
“Bola!”
“Masarap nga.”
“Kung masarap bakit ngayon ka lang nagpunta.”
Hindi ako nakasagot. Sumubo na lang nang sumubo.
“Sabagay ako man ay nagtataka sa sarili ko. Bakit ko ba nagawa ’yun. Siguro dahil mahina ako.”
Naalala ko ang sinabi ni Gina. Mahina raw si Luningning. Iyon daw ang dahilan kaya siya naaawa rito.
At hindi ko alam kung ang kahinaan naming dalawa ay magiging daan na naman sa paggawa ng panibagong kasalanan.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending