Ninong (ika-116 na labas)
HABANG sakay ako ng mini-bus pauwi sa aming housing sa Sitteen ay sinasalat ko ang laman ng sobre. Sa bahay ko na raw buksan, sabi ni Jigo. Natutukso tuloy akong buksan. Pero pinigil ko ang sarili. Malapit na naman ako sa bahay.
Nagmamadali ako sa pagpasok sa gate ng aming villa. Deretso agad ako sa second floor. Mabilis na pumasok sa kuwarto at binuksan ang matambok na sobre.
Lumantad ang pera. Dollar na! Okey talaga si Jigo. Hindi na ako pahihirapang magpapalit pa. Binilang ko iyon. Hindi kasingdami ng nawala sa akin subalit malaking tulong na para sa amin ni Delia na makapagpatayo nang mas malaking karinderya. Malaking karagdagan sa iuuwi kong pera.
Nagulat ako nang may nakapa pa sa loob ng envelope. Tiningnan ko. Sulat ni Jigo. Nasa yellow pad.
“Ninong, salamat sa pagtatago ng lihim. Matagal ko ring inisip kung tama nga bang bigyan kita ng pera. Kasi lumalabas na parang binayaran kita para maging kasabwat at huwag ibulgar ang lihim. Pero sa dakong huli, nai sip ko, dapat lang na bigyan kita. Alam ko, kailangan mo ito. Hindi lang naman ikaw ang binigyan ko kundi pati na ang nag-iisa kong pinsan sa probinsiya na maraming anak. Hati-hati tayo sa grasya. Isa pa nga hindi ko naman kayang ubusin ang pe rang nakuha ko kay Diana kaya dapat lang maambunan ka.
Siguro hindi na tayo magkikita dahil gusto kong sa Canada na lubugan ng araw. Ayaw ko nang maalala pa ang masakit na kahapon sa Pilipinas. Magkakaroon na siguro ako ng katahimikan sa Canada sa piling ni Cathy na alam kong mabuting babae. Tiyak ko, kakaiba siya kaysa kay Diana.
Sige, Ninong, salamat uli sa pagtatago ng lihim. —Jigo”
Sandali akong natigi lan. May mga bagay talaga na mahirap ipaliwanag sa mundong ito. May mga pangyayari na dapat ay huwag nang malantad, gaya ng nangyari kay Jigo at asawang si Diana. At nasangkot ako sa kanila para magkaroon nang matinding aral sa buhay at huwag nang ulitin ang mga pagkakamali.
Tinawagan ko si Delia nang oras ding iyon at sinabi ang lahat. Maski siya ay hindi makapaniwala sa ipinagtapat ko ukol kay Jigo at Diana.
“Pauwi na ako sa isang araw, Del. Tiyak na matutupad na ang pangarap mong magkaroon nang maayos at malaking karinderya. Pauunlarin natin ‘yan.”
Napaiyak si Delia. Tahimik na pag-iyak. Alam ko iyak iyon ng katuwaan dahil babalik ako sa kanila na may matuwid nang direksiyon ang buhay. Nakatitiyak nang mas masaya ang mga susunod pang yugto ng aming pagsasama sa Pinas. Hindi na kami magkakahiwalay pa.
(Tatapusin na ito bukas)
- Latest
- Trending