Ninong (111)
“HINDI ako nakonsensiya Ninong sa aking ginawang pagpapatay kay Diana. Alam ko, kasalanan sa Diyos ang pumatay pero sa tindi ng ginawa niya sa akin, tila kulang pa nga ang ginawa ko. Akalain mo, nagawa niya akong pagtaksilan habang nagpapakahirap ako rito sa Saudi. Kaya siguro ganun na lamang ang pagpilit niya sa akin noon na mag-Saudi, ‘yun pala me gagawin siyang masama. Kung sinu-sino pala ang kakalaruin niya. Me sakit nga siguro siya.”
Hindi ko alam kung ano ang aking sasabi- hin kay Jigo. Hinayaan ko na lang siyang magsalita nang magsalita. Kailangang mailabas ang sama ng loob.
“Kaya nga makaraan ang nangyari kay Diana, ipinasya ko na uli na magtungo rito. Mas okey pa rito sa Riyadh, mas matatahimik ang buhay ko. Mabuti na lang at wala kaming anak ni Diana. Kung nagkaroon kami ng anak, baka mas mahirap ang nangyari…”
Tama si Jigo. Mahirap nga kung nagkaroon sila ng anak.
“Masaya na ako ngayon, Ninong. Kumbaga nakabawi na ako. Siguro e tuluy-tuloy na ako sa mga dapat kong gawin…”
“E hindi kaya kumanta ang lalaking na-hire mo Jigo. Ibig kong sabihin, baka inguso na ikaw ang “utak” sa krimen.”
“Wala na rin ang hired killer, Ninong. After na mangyari ang pagpatay kay Diana, napasama yung hired killer sa robbery group. Nangholdap sila ng banko, napatay sila ng mga pulis. Kaya wala nang magngunguso sa akin. Ikaw lang at ako ang nakaaalam, Ninong.”
Napatangu-tango ako. Parang istorya sa pelikula ang nangyari kay Jigo. Pero iyon ang totoo — totoong kuwento ng buhay. Mahirap paniwalaan pero totoo.
“Wala akong narinig Jigo. Wala kang ikinuwento sa akin. Yung kinuwento mo, kuwentong kutsero lang yun at hindi totoo.”
“Salamat, Ninong. Akala ko, nasira na ang ang dati nating samahan. Okey ka pa rin pala.”
“Ako pa rin ang Ninong mo, Jigo.”
“Hindi ako nagkamali Ninong.”
Tinapos namin ang pagkain. Naghiwalay na kami ni Jigo. Ako patungong Sitteen at siya patungong Olaya.
“Magkita uli tayo minsan, Ninong. Tawagan kita. Nasa akin pa ang number mo,” sabi niya nang may parating na mini-bus na sasakyan niya.
“Sige.”
Nang nakasakay na ako sa mini-bus patungong Sitteen, nakahinga ako nang maluwag. Naipagpasalamat ko na hindi natuklasan ni Jigo na ako man ay naging kalaguyo ni Diana.
May lihim na kailangang maging lihim. Sa nangyaring iyon, okey na rin sa akin na hindi mabalik ang perang na huthot ni Diana. Kay Jigo na lang iyon.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending