Ninong (ika-109 na labas)
PERO hindi ko masabi kay Jigo ang nasa isipan ko. Hindi ko magawang sabihin ang perang nakita niya sa possession ni Diana ay maaaring pera ko. Ayaw ko nang malaman ni Jigo na isa rin ako sa “umipot” sa kanya. Ayaw ko nang dagdagan pa ang sakit na nadama niya. Kung sasabihin kong sa akin ang perang nakita niya kay Diana, baka patayin ako.
At hindi ko na rin balak pang sabihin sa kanya na ipinangkolekta ko siya ng abuloy sa utos na rin ng kanyang asawang taksil. Hindi na niya dapat pang malaman na “pinatay” na siya ni Diana. Para ano pa at ipaaalam ko sa kanya iyon?
“Marami pa akong natuklasan sa kanya Ninong. Nasa kanyang cell phone ang mga katibayan. Iba’t ibang lalaki pala ang nakalaro niya. Habang ako ay narito sa Riyadh noon, may ginagawa pala siyang milagro.”
Sa sinabing iyon ni Jigo ay kinabahan ako. Hindi kaya nasa cell phone pa ni Diana ang mga messages ko at ang mga pag tawag. Pero kung nasa cell phone pa niya ang mga messages ko, e di sana kinumpronta na ako ni Jigo. Siguro’y wise rin si Diana na ang lahat ng may kaugnayan sa amin ay dinelete na. Baka rin pinalitan na ang SIM card dahil nang tinatawagan ko, walang sagot.
“Saan ka tumira mula nang matuklasan mo ang pagtataksil ni Diana? Sa mga magulang mo?” tanong ko.
“Sa isang pinsan ko sa probinsiya, Ninong. Wala na akong magulang. Matagal nang patay sina itay at inay.”
Hindik na naman ako. Noon kaya hindi ako nakatuloy sa bahay nila sa Miguelin para mag-talik ay dahil naroon daw ang kanyang mga biyenan. Napakawalanghiya talaga ng babaing iyon!
“Matagal ako sa probinsiya Ninong. Pero kahit naroon ako sa probinsiya nakabuntot pa rin sa akin ang masakit na ginawa ni Diana. Hindi ako makatulog.
Lagi kong nakikita sa aking isipan yung tagpong nagtatalik sila sa sopa ng kanyang kalaguyong DOM. Pabalik-balik sa isipan ko.”
“Sana e bumalik ka na lang dito sa Riyadh.”
“Magulo pa ang isipan ko, Ninong.”
“Ang pera na nakuha mo sa bag ni Diana, itinabi mo? Anong ginawa mo?”
Aywan ko ba kung bakit ang pera ang lagi kong tinatanong.
“Oo Ninong, itinabi ko. Me pinaglaanan ako ng perang iyon.”
“Anong pinaglaanan?”
“Alam kong hindi mo ako ipapahamak, Ninong. Sa iyo ko lang sasabihin ang isa ko pang lihim...”
Masyado na akong kinakabahan sa mga sinasabi ni Jigo.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending