Ate Flora (ika-72 na labas)

NAKAALIS si Aling Cely patungong Italy pero bago nakaalis ay nailagay kami sa maayos na kalagayan. Tinalo pa nga niya ang aming ina na inuna pa    ang pagpapasarap na sa dakong huli’y dusa ang nalasap.

Nagkaroon ng trabaho si Ate Flora sa recruitment agency bilang clerk at ang maganda ay kami na ang tumira sa bahay na dati ay kay Aling Cely. Pumayag ang mabait na si Mang Leon na kami nang magka­ patid ang tumira roon at kung ano ang bayad ni   Aling Cely ay ganon na rin daw ang aming ibayad. Ituloy na lang daw namin ang nasimulan ni Aling   Cely. Mabait si Aling Cely sapagkat ang two months advance at one month deposit ay hindi na binawi. Para sa amin na raw  iyon.

Kaya naman nang uma­lis si Aling Cely at ihatid namin sa NAIA ay hindi mapatid-patid ang aming paalaman. Iyak ako nang iyak sapagkat itinuring ko nang ina si Aling Cely. Si   Ate naman ay mahigpit na niyakap si Aling Cely.

“Kapag nakaluwag-lu­wag na kayo ay sikapin  nin­yong makapagpatuloy ng pag-aaral ha. Ikaw Flora  ay magtapos ng kolehiyo   at ikaw, Ara ay ng high school. Lagi ko kayong susulatan,” sabi ni Aling Cely at hinaplos ang buhok ko.

“Opo Aling Cely.”

“Saka, mag-ingat ka­yong magkapatid sa asa-wa ng Tito Noel n’yo. May kutob akong sinusubay­bayan kayo ng babaing iyon. Mag-ingat kayo pa­lagi.”

“Salamat po nang ma­rami.”

“Magsulatan na lang tayo o kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, sa   cell phone tayo mag-usap.”

Doon natapos ang aming pag-uusap. Nagka­hiwalay na kami.

At tila totoo nga ang kutob ni Aling Cely na gagantihan kami ni Tita Raquel. Parang nararam­daman ko na may uma­aligid sa aming bahay.

(Itutuloy)

Show comments