“ATE Flora, napapansin mo ba yang mga lalaking nasa tapat natin? Parang sa ating dalawa nakatingin,” bulong ko.
“Napapansin ko rin.”
“Bakit kaya Ate?”
“Ewan ko nga.”
Nang magbabaan ang mga lalaki ay saka lamang nalaman na si Ate pala ang pinag-uusapan ng mga lalaki. May punit pala ang damit ni Ate sa tagiliran at halos makita na ang puno ng dibdib niya. Ngayon lamang namin napansin iyon. Kanina ay masyado kaming naging abala sa pagbubulgar ng baho nina Tita Raquel at Michelle.
“Ate nasisilipan ka na pala e hindi natin alam,” sabi ko at nang malaman ni Ate ay biglang kinipit ang suot.
“Kukunin ko sa backpack ang lumang sweater Ate para maitago ang punit ng damit mo.”
“Sige, Ara.”
Nakuha ko ang damit at iyon ang sinuot ni Ate. Mabuti na lamang at dalawang babae na lamang ang pasahero ng dyipni.
“Muntik na akong magahasa ng hayop na si Marlon, Ara. Kung hindi ko siya nasaksak sa kamay, baka luray na luray na ako. Mabuti na lang pala at bigla kang lumabas sa basement at nagtungo sa kuwarto.”
“Kasi nga malakas ang kutob ko na may masamang balak si Marlon sa ‘yo. Noon ko pa naririnig na pinagnanasaan ka niya.”
“At mabuti rin Ara, na lagi kong dala ang icepick sa bulsa ko. Kung hindi dahil sa ice pick baka nga nagahasa na ako.”
“Nasaan na ang ice pick Ate?”
“Andito sa bulsa ko. Binalot ko ng panyo.”
Humanga ako sa tapang ni Ate. Buo ang loob niya.
Hanggang sa marating namin ang terminal ng bus sa Taft Ave at Buendia.
“Dito muna tayo tumambay, Ara. Hindi naman tayo mapagkakamalang tumatambay lang dito. Aakalain, pasahero tayo…”
Bumilib ako kay Ate.
“Kahit dito tayo matulog e wala sigurong sisita sa atin.”
“Saan naman tayo maaaring matulog Ate?”
“Diyan sa mga bangkong hintayan ng pasahero.”
Doon nga kami nagpalipas ng gabi. Siopao at softdrinks ang kinain namin sa hapunan. Pero masaya ako dahil nakatakas na nga kami sa bahay ni Tita Raquel. Makapagtitiis ako huwag na lang bumalik sa bahay ni Tita Raquel.
Kinabukasan ng umaga, nagkaroon kami ng pag-asa ni Ate. Nakita namin na pababa ng bus na galing probinsiya si Aling Cely. Siya yung kasamahan ni Mama sa munisipyo.
Nasa tabing bintana si Aling Cely kaya madali namin siyang nakita ni Ate.
“Aling Cely!”
Nagulat si Aling Cely nang makita ka-mi. Napansin namin ang malaking bag na dala niya. Parang mga damit ang laman niyon. (Itutuloy)