Nasubaybayan ni Sadik ang unti-unting paglaki ng tiyan ni Susan. At lagi niyang binabati si Susan sa pagbubuntis nito. Ano raw ang nararamdaman ng nagbubuntis.
"Said a moreb," sagot ni Susan. Masaya na natatakot.
Nagtawa nang nagtawa si Sadik sa sagot ni Susan. Bakit daw masaya at pagkatapos ay natatakot.
Ipinaliwanag ni Susan na may mga babaing mahirap magbuntis. Kung anu-ano ang nararamdaman. May pagkakataon pang may namamatay dahil sa panganganak.
"Waque-i?" (Totoo?)
"Aiwa. Muskila Sadik."
Sabi ni Sadik, mahirap nga pala raw ang maging babae sapagkat manganganak pa. At nagtawa si Sadik. Mabuti na lang daw at hindi siya naging babae. Mahirap daw pala.
At kapag nakikita ni Sadik na masyadong nagtatrabaho si Susan sa bahay, pinaaalalahanan si Susan na huwag siyang magpakapagod at baka raw masama sa baby.
Kapag umaalis kami ni Sadik para mangolekta ng pera sa kanyang mga sinusuplayan ng gatas at ganoon din sa kanyang plantasyon ng dates ay pinaaalalahanan si Susan na maging maingat. Gusto ko na tuloy magselos na parang si Sadik na ang tatay ng dinadala ni Susan.
At nakikita ko na excited talaga siya sa paglabas ng aming baby ni Susan. Kanino raw kaya kamukha ang baby. Hindi raw kaya kamukha niya? Humagalpak ako ng tawa. Walang patid na tawa.
"Muskila Antonio?"
Tawa pa rin ako nang tawa. Saloob-loob ko malas naman ng bata na maging kamukha niya. Ha-ha-ha!
(Itutuloy)