NATUWA ako sa mga papuri ni Sadik. Siguroy dahil sa ipinakita kong pagtulong sa matandang Saudi na nasiraan ang sasakyan. Ang akala ko, hindi niya bibigyang pansin iyon dahil naka-prente lang siya ng upo sa sasakyan. Nakatingin lamang siya sa akin habang pawisang nagtutulak sa sasakyan ng matanda.
Makalipas ang ilang araw, nagulat na lamang ako nang makita ang matandang pulubi na tinulungan kong makatawid sa kalsada noon. Kausap ng pulubi si Sadik sa may gate. At sa pag-uusap nila ay parang matagal na silang magkakilala. Hindi ko malilimutan ang mukha ng pulubi sapagkat puro puti na ang balbas at buhok niya. Hindi ko malilimutan ang araw na tinulungan ko siya sapagkat nakatikim ako ng sakit sa ginawa ng pulis na nagtatrapik. Bukod doon, minura pa ako ng walanghiyang pulis.
Nang wala na ang matandang pulubi ay lumapit ako kay Sadik at sinabing nakita ko na ang pulubing iyon.
"Aiwa, Antonio. He is a beggar."
Pulubi nga raw. Nanghihingi ng limos sa kanya kaya nasa may gate. Pero sa tingin ko ay magkakilala sila dahil malakas ang pag-uusap. Saka napansin ko, na hindi makatingin ng deretso si Sadik. Parang may inililihim.
Ganoon man hindi na ako nagtanong pa tungkol sa pulubi.
Isang gabi, nagising ako sa mga kaluskos sa likod ng bahay. Kinutuban ako na mayroong umaakyat sa pader sa likod. Maliksi akong bumangon. Hinagilap ang flashlight at dahan-dahang nagtungo sa kusina para silipin sa bintana ang mga magnanakaw.
(Itutuloy)