Salamat, hinango mo ako sa putikan! (47)

(Batay sa kasaysayan ng isang nagpapatago sa pangalang Che)

"GOOD morning po bossing," bati ko kay Mr. Lee na hindi marahil inaasahan ang pagdating ko.

"Che?"

"Ako nga po bossing."

"Halika! Halika!"

Lumapit ako.

"Sabi ko na nga ba at babalik ka," sabi at napapalakpak pa sa kasiyahan. "Upo ka, Che."

Umupo ako.

"Ano papasok ka na rito?" deretsahang tanong.

"E opo sana bossing kaya lang…" binitin ko ang sasabihin.

"Kaya lamang ay ano?"

"Kailangan ko muna ng P50,000 para pambayad sa hospital bill ni Inay."

Napatitig sa akin. Hindi marahil akalain na ganoon ang aking sasabihin.

"Mapapautang mo po ba ako ng P50,000 bossing?"

"Bakit hindi. Pero sigurado ka na bang papasok dito?"

Tumango ako.

"Baka kapag ibinigay ko na ang P50,000 e hindi ka na magpakita rito."

"Marunong po akong tumupad sa usapan. E di ipahuli mo ako sa pulis."

Napahalakhak si Mr. Lee.

"Napakasama ko naman kung ipahuhuli ko ang katulad mong ubod ng ganda. E di tibo lang ang makikinabang sa iyo…"

Wala akong reaksiyon sa sinabi niya.

"Hindi ko ugaling pilitin ang ayaw sa akin kaya ko nasabi iyon na baka hindi ka na bumalik. Marami na kasi akong natulungan na hindi na bumalik. Meron diyan na gusto pa akong kasuhan. Meron diyang parang ahas, katulad ni Au…."

Nang marinig ko ang pangalan ni Au ay agad kong naitanong kung bakit wala na siya sa "Black Roses".

"Ahas kasi siya. Pagkatapos kong pakainin sa palad e tutuklawin pa ako."

"Bakit po bossing?"

"Me nakarinig sa usapan ninyo noong una kang magpunta rito. Grabe ang sinabi niya sa aking masama. Na kesyo ako ang unang "tumikim" sa kanya. Tapos e tinakot ka pa na huwag papasok dito sa Black Roses. Na hindi lang pagsasayaw ang ginagawa rito ng mga baguhang babae. Kung anu-ano pa ang sinabi niya sa iyo. Kaya pinatawag ko siya ay pinagsabihan. Pagkatapos, sinabi kong ihanda na niya ang bag ng kanyang damit. Maaari na siyang umalis…"

Tama nga ang sinabi ni Ina kanina. Umalis na nga si Ate Au. Kaya nga pala may dala siyang bag nang magtungo sa ospital para dalawin si Inay.

"Ano Che? Bibigyan kita ng kailangan mo, pero sigurado ka na ba rito sa "Black Roses". Baka magbago pa ang isip mo…"

"May isang salita ako bossing."

"Yan ang gusto ko sa’yo Che."

Ang hindi ko inaasahan ay nang patayuin ako ni Bossing.

"Umikot ka nga, Che."

Bantulot ako pero sinunod ko.

"Wow talaga!"

Uupo na sana ako pero inutusan niyang lumakad-lumakad.

"Puwedeng-puwede!" (Itutuloy)

Show comments