HANGGANG sa ganap akong magkaisip at nalaman ang tunay na trabaho ng aking ina. Una ko pa ngang nalaman ang totoong trabaho ni Inay sa mag-asawang Aling Maring at Mang Angel na kakapit-kuwarto namin. Isang babaing naglaladlad ng "laman" sa isang maliit at mumurahing club ang aking ina.
Pero hindi na ako gaanong na-shock sa pagkaalam na ganoon ang trabaho ng aking ina. At ano naman ang magagawa ko halimbawa at tanungin si Inay kung bakit ganoon ang trabaho niya. At ngayon ngang nalaman ko na ang lahat mula na rin sa mga bibig ni Inay wala na talaga akong masasabi.
Ang alam ko, kaya lamang nagawa ng aking ina iyon ay para sa kapakanan naming dalawa ni Donna. Kung hindi ganoon ang kanyang ginawa, baka nanigas na kami sa gutom at hindi makapag-aaral. Maaaring pakalat-kalat kami sa kalye, namamalimos, baka nagra-rugby at magpopokpok. Kahit kami naghihirap, nasa isang tirahan kaming maituturing na kaloob ng Diyos sapagkat ligtas sa anumang panganib. Hindi kami paisku-wat-iskuwat.
Kahit na ano pa ang sabihin, ginawa lamang ni Inay ang kanyang tung-kulin para hindi kami mamatay sa gutom. Lubos ang paghanga ko sa aking ina.
Mas hinahangaan ko ang aking ina na nagpapakamatay sa pagbibilad ng katawan para kami mabuhay ni Donna. Mas hinahangaan ko ang aking ina kaysa sa mga inang nagbebenta ng bawal na gamot. Oo ngat hindi marangal ang pagbibilad ng katawan pero mas mabuti naman iyon kaysa magbenta ng bawal na gamot. Para sa akin, makita man ng mga kalalakihan ang "hiyas" na pinagnanasaan, hanggang doon na lang iyon. Hindi naman nagpapagamit ang aking ina. Iyan ang malinaw niyang sinabi sa akin.
At ang isang nakahahanga, hindi na nga nagpapabola sa mga lalaki si Inay. Malaki ang aking paniwala na sinusunod niya ang payo ng namatay kong lola na isipin nang maraming beses bago muling pumatol sa lalaki.
Habang lumalaki kami ni Donna, unti-unti naming nakikita ang pagnanais ni Inay na mailagay kami sa mabuti sa kabila na hindi marangal ang kanyang trabaho. At iyon din naman ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para ipangako na hanguin sa putikan ang aking ina. Ako ang gagawa ng paraan para makaalis kami sa kumunoy ng kahirapan.
(Itutuloy)