TINALO ko pa ang artista sa pag-arte habang kausap si Ramon. Umiyak na talaga ako. Aywan ko kung paano ko napuwersa ang aking mga mata para bukalan ng luha.
"Anong tinutok sayo Nena?" sabing nag-aalala ni Ramon na parang hindi pa nakababawi sa pagkabigla sa ibinalita ko.
"Balisong," sagot ko. "Inakbayan ako ng holdaper at tinutukan sa tagiliran. Naramdaman ko ang tulis. Akala ko tutusukin na ako."
Narinig ko ang buntunghininga ni Ramon na para bang sinisisi ang sarili at wala siya sa piling ko. Parang biglang nalungkot at nawalan ng sigla ang boses nang magsalita.
"Tapos anong nangyari?"
"Ibigay ko raw ang bag ko. Huwag daw akong lilingon o titingin sa kanya at sasaksakin niya ako. Sinabi pang matalas ang patalim na hawak."
"Pagkatapos "
"Hindi na ako nag-isip pa. Ibinigay ko na agad ang bag ko na may lamang perang kapapadala mo lamang."
Pagkaraang sabihin iyon ay bumunghalit ako ng iyak.
"Huwag kang umi-yak at pera lang iyon. Mahalaga ay hindi ka nasaktan."
"Pagkataos kong holdapin ay saka ako hinimatay sa takot," sabi kong sumisigok.
"Saan ba nangyari ang panghoholdap?" tanong ni Ramon.
Iyon ang hindi ko napaghandaang ta-nong. Ganoon man mabilis akong nakaisip ng lugar.
"Sa kanto ng Herran at Mabini."
"Sana nireport mo sa pulis "
"Hindi ko na nireport kasi parang nawalan ng lakas ang mga paa ko. Hindi ako makahakbang " muli akong umiyak.
"Huwag ka nang umiyak at magpapadala na lamang uli ako bukas."
"Talaga?"
"Oo."
"Sige hihintayin ko, walang-wala na kaming pera ng mga anak mo e."
(Itutuloy)