Umuwi sa Pilipinas ang mag-asawa noong 1996. Inatake ng aneurism si Azucena noong 2003 at na-comatose. Mula 2003 hanggang sa kasalukuyan, patuloy na inaalagaan si Azucena ng mga caregivers na kinuha ni Dr. Victoria. Subalit noong August 2004, natuklasang may relasyon si Dr. Victoria sa isa sa mga caregiver.
Nalaman ng Pilipino Star NGAYON ang kasaysayan ni Azucena nang lumapit sa aming tanggapan ang isang malapit na kaibigan ng kanyang pamilya para mabigyan ng atensiyon sa media ang kanyang kalagayan.
Narito ang karugtong ng kasaysayan ni Azucena.
Wala na ngang mahihiling pa si Azucena. Kung tutuusin nasa kanya na ang mga pinapangarap ng isang babaing katulad niya. Tagumpay siya bilang teacher at tumatanggap nang malaking sahod. Marami nang naipundar na ari-arian, may malaking pera sa banko at kung anu-ano pa. Ang tanging wala si Azucena ay asawa na magiging kasama niya habambuhay. Iyon ang isang kakulangan sa kanya. Hindi pa siya nakararanas magkaroon ng boyfriend. May mga nanliligaw sa kanya noong nag-aaral pa siya sa UP subalit ang pag-aaral ang kanyang prayoridad. Hindi niya binigyan ng pansin ang mga lalaki noon. Para sa kanya darating din siya roon sa tamang panahon. Pero hindi nangyari iyon sapagkat nadagdagan nang nadagdagan ang kanyang edad. Mabilis na nakatakas ang kanyang kasariwaan.
Sa mga pagtitipong dinadaluhan sa Pinoy community sa Wisconsin niya nakilala si Benjamin Victoria, isang ob gyne doktor. Mahusay ding kumanta si Benjamin at tila nagkaisa ang kanilang hilig. (Itutuloy)