Laro sa putikan (102)

"HABANG naglalakad ang ate mo, pasulyap-sulyap siya sa mga nakakasalubong. Mailap din ang kanyang mga mata. Mabilis ang kanilang paglalakad."

"Nakabuntot ka sa kanila Kuya Jeff?"

"Oo. Iningatan kong huwag nilang makita. Alam mo sa pagkakataon pa lamang na iyon ay gusto ko na silang sugurin at bahala na. Para bang sasabog na ang utak ko sa galit," sabi ni Kuya Jeff na halos ay hindi kumukurap habang nagkukuwento. Ako ay matamang nakikinig sa kanya. Ako man ang malagay sa katayuan niya, baka ganoon din ang magawa ko.

"Saan sila nagpunta?"

"Nag-abang sila ng masasakyan sa EDSA sa harap mismo ng SM City Annex. Habang naghihintay ay hindi sila magkatabi. Mga dalawang metro ang pagitan nila. Para hindi nga siguro mahalata kung may makakita mang kakilala."

"Saan sila sumakay?"

"Akala ko bus ang hinihintay nila. Iyon pala ay taxi. Siguro’y may limang minuto sila bago nakakuha ng taxi," tumigil si Kuya Jeff at bumuntong-hininga at saka nagpatuloy, "Nang makakuha ng taxi ay mabilis silang sumakay sa hulihan. Magkatabi na."

"Anong ginawa mo?"

"Mabilis naman akong nakakuha ng taxi at pinasundan ko ang sinakyan nila."

"Saan sila nagpunta?"

"Dere-deretso sila sa EDSA. Sabi ko sa driver ng taxi huwag niyang hihiwalayan ang taxi na aming sinusundan. Ako na ang bahala sa kanya sa bayad."

"Anong nangyari pagkatapos?"

"Deretso sila patungong Monumento. Dumaan sa Balintawak, Cloverleaf at pagdating sa may Bagong Baryo, biglang kumanan ang taxi. Nakabuntot pa rin kami. Bumulaga sa amin ang karatula ng isang motel doon."

"Tuluy-tuloy sila?" tanong ko.

"Oo."

"Anong ginawa mo?"

"Sabi ko sa driver huwag na kaming tumuloy sa loob."

"Bakit?"

"Tama na ang nakita kong magkasama sila sa pagpasok sa loob ng motel. Tiyak ko na kung ano ang gagawin nila sa loob... hindi na kailangang makita pa ng aking mga mata ang gagawin nilang kawalanghiyaan!" (Itutuloy)

Show comments