MARAMI pa siyang pangarap sa buhay at alam ni Jamias na iyon ay matutupad dahil sa matapat niyang paglilingkod sa taumbayan. Iyon ang isa sa sinumpaan niyang tungkulin. Bilang alagad ng batas, tagapangalaga siya at taga-protekta ng taumbayan.
Matiyaga si Jamias at may determinasyon na makamit ang kanyang mga pangarap. Iyon ang susi niya para pagtiwalaan bukod pa sa husay mamahala. Kaya nga kung saang lugar na may babaguhin ay doon siya dinadala ng mga nakatataas. Napatunayan na niya iyon nang maraming beses. Isang katibayan ay nang muli at muling pahawakan sa kanya ang mga station na dati na niyang pinanggalingan. Sa lahat ng naging station commander siya ang pinaka-maraming pinamunuan at pinaka-bata ang gulang. Wala pa siyang 30-anyos nang maging Deputy Station Commander ng Station 4. Pagkatapos ay nagkasunud-sunod na ang kanyang promosyon. Inalis at ibinalik at inalis muli para ibalik.
Ang Station 5 na nasasakop ang Ermita o ang tourist area ay tatlong beses na niyang naging "tahanan".
Una siyang inilagay doon noong Dec. 12, 1998. Inilipat siya noong 1999 sa Station 3 at pagkaraan ng mahigit isang taon muli siyang ibinalik doon. Inilipat muli siya ng ibang station at noong nakaraang taon, muli siyang ibinalik sa "5". Balik-bahay na naman siya.
Mayroon yatang kakambal na suwerte ang numero singko sa kanya at parati siyang hinahatak. Pero para kay Jamias, wala sa numero iyan kundi sa ipinakikita niyang disiplina, pagkamatapat, pagkaresponsable at pagtulong at pagprotekta sa taumbayan. Iyan ang kanyang sekreto at wala nang iba pa.
(Itutuloy)