PUTOK na putok ang pangalang Macmod sa buong Quiapo area. Walang tigil ang operasyon nina Jamias para mahuli patay o buhay ang killer na si Macmod pero mailap. Gusto nang maniwala ni Jamias na may agimat si Macmod. Paanoy sa dami ng ginawa nilang operasyon sa mga pinagkukutaan ni Macmod ay hindi nila ito mahagilap. Marami rin silang assets pero pagdating nila sa lugar ay wala na ito. Hindi nila alam kung may sa "tagabulag" ang killer.
"Mahirap madakma Colonel para bang may sa palos," sabi ni SPO4 Edgardo C. Ramirez, isa sa mga magagaling na pulis ni Jamias sa Station 3.
"Hindi pa lang natin natitiyempuhan pero kikipot din ang tatakbuhan niya," sagot ni Jamias.
"Kaunting tiyaga pa, babagsak din yan," sabi naman ni SPO2 Mario L. Manlutac, isa rin sa mahusay na pulis ng Station 3.
Noong August 30, 1998, isa na namang pulis ang tinumba ng grupo ni Macmod. Binistay ng bala si PO2 Rolando Cabrera.
Lalong nagpuyos sa galit si Jamias. Iniisa-isa sila.
Noong March 8, 1999, tinambangan ni Macmod si Chief Inspector Pipalawan Alonto, commander ng PCP-PS8 na nasa Carlos Palanca. Lumaban si Alonto ng duwelo.
(Itutuloy)