KINABUKASAN may iniabot si Ding kay Elmer. Isang pink na sobre. Sulat.
"Ano to?" tanong ni Elmer.
"Partner, pakibigay mo naman kay Goody."
"Bat ako?"
"Nahihiya ako, partner."
Kinuha niya ang sulat. Gusto niyang tumanggi dahil may itinatago rin siyang pagtatangi kay Goody. Pero alang-alang sa pagiging magkaibigan nila ni Ding, gagawin niya ang pakiusap nito.
"Gusto ko talaga siya Elmer. Paki lang ha?"
"Paano ko ibibigay to?"
"Ikaw na ang bahala. Alam ko may paraan ka. Ang katulad mong magiging pulis ay matinik gumawa ng paraan."
Nagtawa lamang si Elmer. Ano kayang kaugnayan ng pangarap niyang magpulis sa ipinakikiusap nitong pagbibigay ng love letter kay Goody.
Binasa ni Elmer ang nakasulat na pangalan sa labas ng sobre.
"Segundina Ramirez pala ang tunay na pangalan ni Goody?"
"Oo. Nalaman ko may lahing Kastila. Kaya pala ganoon kaganda."
"Mahusay ka palang imbestigador di dapat ka ring mag-pulis," sabay tawa ni Elmer.
"Huwag na. Tama nang ikaw ang maging pulis."
Kinabukasan, ang pagbibigay ng sulat kay Goody ang inatupag ni Elmer. Inalam niya kung anong oras ang klase nito at ang room. Nang magkaroon ng tiyempo sa recess ay pinuntahan ang room ni Goody.
Nakita niya ito sa loob na nag-iisa. Lakas-loob siyang pumasok at lumapit kay Goody.
"Hi, Im Elmer Jamias, me ipinabibigay lang sa iyo galing sa kaibigan ko," sabi niyang nakatawa, dahilan para lumabas ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin.
"Ano yan?"
"Sulat."
"Para saan?"
"Hindi ko alam. Sige ha?"
Umalis na siya. Nang lalabas na sa pinto ay tinawag siya ni Goody.
(Itutuloy)