TAMA ang hinala ni Inay na uuriratin ng kanyang kaibigan kung bakit siya tumakas sa among Arabo. Naisip daw ni Inay, sana hindi na niya binanggit ang bagay na iyon sa kanyang kaibigan.
"Anong ginawa sa iyo at tumakas ka?" tanong pagkaraan.
May nakahanda nang sagot si Inay. "Hindi kasi ako pinasusuweldo at laging sinasaktan."
"Talaga? Masama palang nangyari sa iyo sa Saudi. Ikaw kasi, sabi ko sa iyo sa Italy ka magpunta, ayaw mo."
"Wala akong malaking pera para panglagay. Hindi katulad mo maraming pera."
"Ano pang nangyari sa iyo sa Saudi?"
Naihanda na ni Inay ang sarili. Alam niya hindi na titigl ang kaibigan.
"Bukod sa hindi ako pinasusuweldo ay hindi pa rin pinakakain. Tumakas na ako."
"Ay ang hirap ng dinaanan mo."
"Nang tumakas ako sa amo ko, ay gabi. Nagtuloy ako sa detention center at doon na ako tumira nang may dalawang buwan."
Nag-isip ang kaibigan. Nakatingin umano kay Inay at nag-iisip pa ng itatanong.
"Hindi ka na babalik sa Saudi?"
"Hindi na. Ayoko na."
"Anong sabi ni Pareng Jun?"
"Wala."
"Mabuti at hindi ka ginahasa?"
"Hindi," matatag na sagot ni Inay.
"Iyong kapatid ko, minamaltrato rin daw siya ng kanyang amo. Hirap na hirap din at gusto nang umalis kaso, may bantay."
"Sabihin mo, tumakas siya kapag may party sa kanilang bahay. Ang mga Saudi kasi mahilig magpa-party sa bahay. Kapag nakatiyempo lumayas na siya."
"Tatawagan ko siya at ipagagawa ang sinabi mo."
Hanggang sa mapansin na naman ako. Nakatanghod kasi ako sa kanila habang nagkukuwentuhan.
"Ampunin ko na lang si Marisol. Ang ganda kasing bata."
Hindi umimik si Inay. Tumingin sa akin.
"Ampunin ko na si Marisol. Palalakihin at saka isasali sa beauty contest."
"Huwag kang magbiro. Hindi naman tuta yan."
Saka ay narinig ni Inay ang ugong ng owner type jeep ni Tatay.
"Nariyan na si Jun."
"Mabuti para magkumustahan din kami."
Aywan ni Inay kung bakit kinabahan siya sa pagdating ni Tatay. (Itutuloy)