NAHIHIYA raw si Inay sapagkat nagpresenta pa si Mohammed na dalhin siya sa Batha. Ang Batha ay isang sikat na lugar sa Riyadh na karaniwang pinupuntahan ng mga overseas Filipino workers (OFWs). Tumanggi si Inay subalit maski si Mariam ay hinikayat na lumabas siya kung Biyernes.
"Mabutih na may day-off para hindih mahomsik, right?"
"Okey naman ako kahit na hindi lumabas dito sa bahay."
"Nam. Mabutih labas ka para hindi masira ang ulo," sabi naman ni Mohammed na nagtawa.
Hindi na siya tumanggi. May dalawampung minuto raw takbuhin ng sasakyan ang Batha, ayon kay Inay. Nang nasa Batha na ay mahigpit siyang pinagbilinan ni Mohammed.
"Huwag kah kausap Kabayan lalaki, dito. Bawal. If motawa caught you, big trouble."
Alam na niya iyon. Bawal makipag-usap sa lalaki sa publiko. Mahigpit ang batas. Kailangang sundin.
"After two hours, pick-up kita rito, okey?"
"Okey. Shokran cater," sagot niya.
"Galing na ikaw salita Arabic ha?"
"Konti."
Tuwing Biyernes ay ganoon ang ginagawa sa kanya ng among si Mohammed. Ano pa ang hihilingin niya?
Minsan, patungo sila sa Batha ay kung bakit may tinanong na hindi karaniwan si Mohammed sa kanya.
"Meron kah nah ba anak Lindah?" (Itutuloy)