ISA sa may pinaka-makulay na buhay sa Western Police District (WPD) si Supt. Romulo Sapitula. Hindi matatawaran ang kanyang karanasan. Punumpuno ng pakikibaka sa mga halang ang kaluluwa. Walang takot. Bihira ang katulad niya na hindi umaatras sa laban para magampanan nang maayos ang tungkulin. Sino nga ba ang makapagsasabi na ang isang tulad niyang mula sa isang mahirap na pamilya sa La Union ay hahawak ng mga mabibigat na responsibilidad sa Western Police District? Kaya niyang patunayan, na kung may kakayahan ang kanyang kapwa pulis, mayroon din siya at mahihigitan din niya. Kung kaya nila, kaya rin niya.
"Maligaya ako sa propesyong kinalalagyan ko ngayon. Ipinagmamalaki ko na akoy isang pulis ng WPD," iyan ang masayang sinabi ni Sapitula. Pagkaraan ng mga pagsubok sa kanyang buhay, nalaman niyang pinaka-makulay at wala nang hihigit pa sa buhay ng isang pulis na tulad niya. Ang pakikipaglaro kay Kamatayan ay bahagi na ng buhay ng pulis. Nakahanda siya sa anuman. Hindi bat noon pa, noong nagpasya siyang maging pulis noong 1986, alam niyang nakatapak ang kanyang isang paa sa hukay.
Alam niyang ang isang pulis ay kinakailangang maging malakas ang pangangatawan. At dahil doon kaya inaalagaan niyang mabuti ang kanyang katawan. Sa edad na 39, fit na fit ang katawan ni Sapitula. Alaga iyon sa ehersisyo. Wala siyang alam na bisyo. Hindi umiinom at hindi rin naninigarilyo. Baka naman chick ang kanyang hilig? Umiling siya. Tapat siya sa kanyang asawa na si Eleonor. Kung may mga pulis na "matulis", hindi siya kabilang doon.
Sa pagtatapos, isang paalala ang sinabi ni Sapitula sa kanyang mga kabaro tungkol sa kanilang propesyon. "Mahalin ang trabaho. Ang pagiging pulis ay isang noble propession. Hindi dapat dumihan ang uniporme. Ang pagkakaroon ng takot sa Diyos ang gawing patnubay para hindi maligaw ng landas. Dapat na maging matapat sa lahat ng oras."
Iyan si Supt. Romulo E. Sapitula, pulis ng WPD.
(Mula sa awtor: Ilang linggo na ang nakararaan, isang panibagong hamon na naman ang iniatang sa balikat ni Sapitula. Mula sa District Mobile Patrol Unit (DMPU), nalipat siya sa District Police Intelligence Unit (DPIU). Isang bagong yugto ng pakikibaka at karanasan na naman ang gagawin ni Sapitula. RMH)