SA maraming pagsubok na dinaanan ni Sapitula sa pagiging pulis, nalaman din niya kung sino ang tunay na kaibigan at kung sino ang paimbabaw lamang. Nalaman niya na may mga kaibigan na mabuti lamang kapag may mapapakinabang at kapag wala na ay iiwanan ka na sa kangkungan. Ganito ang naranasan niya sa panahong nakikipaglaban siya sa Korte bunga ng mga demandang isinampa sa kanya kaugnay ng pagtupad niya sa tungkulin.
Naalala niya ang isang kaibigan na noong una ay masyadong dikit sa kanya. Noon ay natatandaan niya na walang tigil sa pagbisita sa kanya ang kaibigan at madalas humingi ng tulong. Para bang kinaibigan siya dahil sa pagiging pulis. Okey lamang sa kanya iyon. Itinuring naman niya itong matalik na kaibigan.
Nang magkaroon siya ng kaso bunga ng Robinsons shootout ay nagkagipit-gipit siya sa pera at hindi niya malaman kung saan hihingi ng tulong. Maging ang pamasahe niya patungo sa Manila Regional Trial Court na pinagdadausan ng hearing ay naging problema niya. Nagkasangla-sangla siya dahil sa kakapusan ng pera.
Minsang magipit ay naisipan niyang isangla ang isang mahalagang bagay na pag-aari niya. Napakahalaga ng bagay na iyon sa kanya at sabi nga niyay may sentimental value. Subalit wala siyang magagawa sapagkat kailangan niya ng pera para gamitin sa pagdalo sa hearing.
Naisipan niyang isangla sa kaibigan ang mahalagang bagay na iyon. Nang makita ng kanyang kaibigan ang bagay na kanyang isasangla ay nanlaki ang mata at walang tanung-tanong na binigyan siya ng pera.
"Kukunin ko rin ito pagkalipas ng isang buwan, Pare," sabi ni Sapitula sa kaibigan.
"Huwag kang mag-alala, Pare."
Pagkalipas ng isang buwan ay kinukuha na niya ang bagay subalit urung-sulong kung ibibigay sa kanya. (Itutuloy)