MALAKING kawalan ang pagkamatay nina PO3 Maximino Mendoza at PO2 Ronaldo Reyes na tinaguriang "Batman and Robin" sa Mobile Division ng WPD. Ganoon na lamang ang pagngangalit ng ngipin ni Sapitula sa pagkamatay ng dalawang tauhan. Malagim na kamatayan ang dinanas ng dalawa sapagkat sinagasaan pa ang mga ito ng Bonnet Gang habang nakabulagta sa kalsada. Bagamat nadala pa sa Ospital ng Maynila sina "Batman and Robin", namatay din ang mga ito dakong alas-9 ng gabi.
Halos madurog ang puso ni Sapitula sa pag-iyak ng asawa at mga anak ng dalawang tauhan nang malaman ang pangyayari. Iyon ang isa sa pinakamahirap na sitwasyon ni Sapitula. Masakit mamatayan ng pulis.
Inasikaso ni Sapitula ang burol nina "Batman and Robin". Humingi siya ng tulong sa mga kaibigan. Marami ang nagbigay ng tulong at bumaha ang abuloy. Kung saan-saan nanggaling ang tulong. Ang naipong halaga ay ibinigay ni Sapitula nang buung-buo sa mga naulila ng dalawang tauhan.
Bukod sa perang nalikom, si Sapitula rin ang nag-asikaso sa serbisyo ng punerarya. At hindi niya inaasahan ang ibinulong sa kanya ng may-ari ng punerarya. Ang may-ari ay isang Intsik.
"Gusto mo kita malaki Major?"
Nakatingin si Sapitula sa Intsik. Nagtataka.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong niya.
"Simple lang Major. Kung ang presyo serbisyo aking punerarya treinta mil, gawin mo singkuwenta mil. Iyon lagay ko resibo. Meron ka kita beinte mil di ba Major?"
Nagpanting ang taynga ni Sapitula sa sinabi ng Intsik.
"Nagkakamali ka sa pagkakilala sa akin. Hindi ko magagawang nakawan ang mga tauhan kong napatay. Hindi ako katulad ng iba gaya ng naiisip mo."
Nakamulagat ang Intsik na may-ari ng punerarya. At nang mahimasmasan ay sinabi kay Sapitula, "Saludo ako sayo Major. Hindi ka tulad nung kilala kong police officer..." (Itutuloy)