Lumipas pa ang mga buwan hanggang sa dumating ang takda kong pagbabakasyon. Hindi sa mag-asawang Mayman ko sinabi ang pagbabakasyon kundi kay Rashid. Hindi ko inaasahan na pipigilan niya ako.
"La ot," sabi. Ipagpaliban ko raw muna. Mahirap daw ang wala silang maid. Isa pay malulungkot siya. Kung gusto ko raw, siya ang magsasabi sa kanyang waled at waledah na ipagpapaliban ang pagbabakasyon sa Pilipinas. Siya raw ang bahala sa akin.
Magdamag kong inisip ang pagpigil sa akin ni Rashid. Nakadarama na rin ako ng pagkasabik sa aking mga anak sa Pilipinas at kapag naalala ko ang ginawang pagmura sa akin ni Mrs. Mayman noon ay gusto ko na ngang magbakasyon. Naguluhan ako at hindi alam ang gagawin.
Subalit matindi ang ginawang pakiusap sa akin ni Rashid kinabukasan pa at sa pagtataka ko, binigyan pa ako ng pera. Isang libong riyals ang iniipit sa palad ko. Natulala ako sa ginawa ni Rashid.
"Raja-an," pagsusumamo nito. Nakikiusap.
Wala akong nagawa kundi bumigay. Mahina talaga ako. (Itutuloy)