"Me lagnat ka nga," sabi ni Jane at saka ipinatong ang kanang kamay sa ulo ni Gina.
Hiniling nitong pumikit din kami habang nakapatong ang kamay niya sa ulo ni Gina. Sumunod naman kami. Ako lamang naman at ang kapatid kong babae ang naroon. Namayani ang katahimikan habang nakapatong ang kamay sa ulo ni Gina. Matagal din kami sa ganoong ayos. Ang ginagawa namin ay para bang iyong napapanood sa telebisyon. Habang ginagawa iyon, pakiramdam ko namay may mga nilikhang nakatingin sa aming ginagawa. Ewan ko pero iyon ang kutob ko.
Pagkatapos ay humingi sa akin ng ballpen at papel si Jane.
"Kailangan nating mag-automatic writing," sabi nito.
Noon ko lamang narinig ang automatic writing. Para saan pa kaya iyon? Gayunman hindi na ako nag-urirat pa.
Umupo si Jane sa mesa at nagsimulang sumulat sa papel. Ang kasamang lalaki ni Jane ay nakaupo sa tabi niya. Ako, si Gina at ang aking kapatid ay nakatingin lamang sa ginagawa ni Jane.
Sa simulay mabagal ang pagsulat ni Jane subalit nang tumagal ay bumilis nang bumilis. Nakikita naming parang sa bata ang pagkakasulat sa papel subalit pantay-pantay naman iyon at nasa linya.
Nang matapos sa pagsulat ay saka namin binasa ang nakasulat.
"Ako si Prinsesa Aryana. Marami kami rito. Ang lahat nang nangyayari rito ay kami ang may-gawa. Gusto naming kaibigan si Gina..."
(Itutuloy)