Ang lalaking katabi ay walang imik sa pagkakahiga. Waring may malalim na iniisip. Hindi rin siguro akalain na may mangyayari sa kanila ni Jay. Sa nangyariy nalaman ni Jay na beterano na ang lalaki sa ganoong kakaibang laro. Wala na itong itinago. Ipinalasap sa kanya lahat. Itinuro ang mga hindi pa nalalaman. At ang ipinaghihimutok ni Jay, gayong maaari naman siyang tumanggi ay kung bakit hinayaan ang lalaki sa lahat ng gustong gawin nito. Marahil ay nalamang bagito pa si Jay. Unang pagsubok. Unang paglasa sa kakaibang putahe.
Ilang ulit pang minura ni Jay ang sarili. Hindi siya bakla kung bakit pumayag siyang gawin iyon! At naipangako sa sarili na hindi na iyon mauulit. Lalabanan niya ang sikad ng damdaming naghahari sa kanya. Hinamon niya ang sarili.
Niligawan niya ang isang kaklaseng babae. Maganda ang kaklase. Mayaman ding tulad nila. Sinagot siya ng babae. Okey ang lahat sa kanila sa simula. Pero nagtagal lamang ng ilang buwan ang relasyon. Hindi sila magkasundo sa maraming bagay. Ipinipilit kasi niya sa babae ang mga hilig niya. Pagbababad sa panonood ng mga play. Ayaw ng babae. Pinamili siya, ang hilig niya sa teatro o siya. Nag-split sila.
Ang pagkakaroon niya ng girlfriend ay inilihim niya sa kanyang mommy. Kagagalitan sigurado siya kapag nalamang may girlfriend siya. Nang mag-split siya ng kanyang girlfriend ay tukso namang nagkita sila ng lalaking "nakalaro" niya ng isang beses. Tinutukso siya. Minsan ay tinawagan siya sa telepono. Bakit daw lumalayo na siya at naglie-low sa pagdi-direct. Sagot niyay mahirap na ang mga subjects na pinag-aaralan. Baka mawala siya sa deans list. Mahirap na. Baka mabulilyaso ang target niyang "laude" sa pagtatapos.
Kinulit siya. Magkita raw sila sa isang videoke club sa Ermita. Pumayag siya. Gusto na naman niyang murahin ang sarili. (Itutuloy)