Sinabi sa akin ni Carmen ang mga pamamaraan upang madali rin akong makarating sa Canada. Siya na raw ang bahalang maghanap ng aking pagtatrabahuhan doon. Ang kailangan lamang ay sumailalim ako sa mga seminar na ibinibigay ng mga local agencies para ma-qualify. Dahil isang nurse si Carmen, hindi na siya dumaan sa ganoong kahirap na proseso. Malawak na kasi ang karanasan sa propesyong iyon. Dahil sa Saudi ay wala namang mga seminar para sa mga nais magtungo sa Canada, minabuti kong mag-resign sa aking pinagtatrabahuhan upang asikasuhin ang mga ipinagagawa ni Carmen. Tutal naman ay marami na akong naipon dahil sa mahigit 20 taong pagtatrabaho. Hindi ko kayang ubusin ang pera kong naipon kung ako lamang.
Masaya rin ang kaibigan kong si Elmer sa biglang pagbabago ng aking buhay. Suwerte ko raw at si Carmen ang dumating sa akin. Bihira raw sa tao ang dinaratnan ng ganoong suwerte. Ang kapalit daw ng mga sakit at kamalasang idinulot ng taksil kong asawa ay napalitan ng ibayong sarap. Sabi pa ni Elmer, huwag ko raw naman siyang kalilimutan kapag nasa Canada na ako. Hindi ko siya malilimutan, sabi ko.
December 1999 ako bumalik ng Pilipinas. Sa bahay ng kapatid kong si Ching ako nakatira. Maligaya rin si Ching at ang iba ko pang kapatid sa nangyari sa aking buhay. Ipinakilala ko ang aking mga kapatid kay Carmen sa pamamagitan ng telepono. At ang sabi ni Ching, kahit na sa telepono pa lamang sila nagkakausap ni Carmen ay nahuhulaan niyang mabait, maalalahanin at mabuti itong babae.
Inasikaso ko ang pagdalo sa seminars na ini-offer ng isang agency tungkol sa caregivers gaya ng utos sa akin ni Carmen. Anim na buwan din ang pagdalo sa seminar. Inip na inip ako at gusto nang makita si Carmen. Sabi ni Carmen, siya man daw ay nasasabik na makita ako. Pagbutihan ko raw at gawin ang lahat ng paraan para makapunta kaagad ako roon. Hindi raw siya tatagal doon kung hindi ako kasama.
(Mula sa awtor: Noong January 2001 ay nakaalis na patungong Canada si Felino. Magkasama na sila roon ngayon ni Carmen. Ayon sa isang sulat na ipinadala ni Felino, sa isang bahay ampunan sila nagtatrabahong dalawa ni Carmen. Maligaya ang kanilang buhay. Hindi na nila naaalaala ang masasakit na kahapon ng kanilang buhay. Wala na siyang nabanggit pa sa taksil na asawa. Hindi na nararamdaman ni Felino ang kirot na dulot ng uod na minsay nagpasasa at umabuso sa kanyang katawan.)