Gin Kings may bagong import
MANILA, Philippines — Aasa ang Barangay Ginebra sa bagong import na si Jordan Murphy upang maisalba ang kanilang kampanya sa nalalapit na pagbabalik ng PBA Season 50 Governors’ Cup habang wala pa rin ang pambato na si Justin Brownlee.
Hahalili ang Puerto Rican-Virgin Islander na si Murphy kay American import Riley Grigsby na bigong matrangkuhan ang Gin Kings sa magandang kartada matapos magkasya lang sa 2-4 para sa kulelat na puwesto ng Group B.
Hitik sa karanasan ang 29-anyos na si Murphy bagama’t undrafted sa NBA noong 2019 matapos maglaro para sa Iowa Wolves, Austin Spurs, Greensboro Swarm at Mexico City Capitanes sa NBA G League.
Produkto siya ng University of Minnesota sa US NCAA kung saan siya ang naging all-time leading rebounder at double-double holder.
Bukod sa US NCAA at G-League, beterano rin sa pro leagues ng Mexico at Israel ang tubong San Antonio, Texas bago mauwi sa Pinas.
Dumating na sa bansa kamakalawa ang 6-foot-6 na si Murphy at nagsasanay na kasama ang Gin Kings bago masukat ang kalibre kontra sa Rain or Shine sa Oktubre 9 sa Ninoy Aquino Stadium.
Sa Oktubre 7 magbabalik-aksyon ang PBA matapos ang lagpas 2 buwang pahinga upang magbigay-daan sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa Window 3 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers at 20th Asian Games.
Parehong hindi nakalaro si Brownlee sa 2 torneo dahil sa iniinda pa ring leg at hamstring injuries na natamo niya sa Window 3 ng Asian Qualifiers.
- Latest

















