Alex top seed sa Asian Games

MANILA, Philippines — Gaya ng inaasahan, si Alex Eala ang top seed sa women’s singles tennis competitions ng Asian Games na papalo na sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center sa Japan.
Ayon sa draw, bilang top seed player ay makatitiyak si Eala ng first-round bye kaya’t awtomatiko itong makapasok sa second round ng torneo.
Nakuha naman ang No. 2 seed ni Zhang Shuai ng China na kasalukuyang No. 55 sa WTA rankings habang No. 3 seed si Yulia Putintseva ng Kazakhstan at No. 4 si Wang Xiyu ng China.
Nagtagpo na sina Eala at Zhang sa WTA Tour.
Tinalo ng Pinay netter si Zhang sa opening round ng HSBC Championships sa London, England noong Hunyo sa iskor na 6-3, 6-2.
Sa second round ng Asian Games, hihintayin ni Eala ang mananalo sa pagitan nina Patcharin Cheapchandej ng Thailand at Mahin Aftab Qureshi ng Pakistan sa first round.
Nais ni Eala na makaresbak sa Asian Games matapos maagang masibak sa Singapore Open.
Lumasap si Eala ng 6-4, 5-7, 3-6 kabiguan sa kamay ni unseeded player Tatiana Prozorova ng Russia sa second round noong Huwebes.
Sasabak din sa women’s singles si Tenniele Madis.
Sisimulan naman ni Madis ang kampanya nito sa pagsagupa kay No. 7 seed Himeno Sakatsume ng Japan sa opening round.
Magtatambal naman sina Eala at Shaira Hope Rivera sa sa women’s doubles kung saan makakalaban nila sina Hong Kong bets Lai Ching Laam at Kallista Liu sa opening round.
Magkasama naman sina Rivera at Francis Casey Alcantara sa mixed doubles kung saan sasagupain ng dalawa sina Kasra Rahmani at Meshkatolzahra Safi ng Iran.
Sina Eala at Alcantara ay dating magkapares sa mixed doubles event.
Lalarga naman sina Madis at Stefi Marithe Aludo sa women’s doubles kontra kina Indonesian duo Anjali Kirana Junarto at Meydiana Laviola Reinnamah.
- Latest





















