Manchurian candidates alamin, bistuhin, ibasura
HUWAG ihalal ang Manchurian candidates, babala ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio.
Ang Manchurian Candidate ay taksil at sumisira sa sariling bansa dahil kontrolado o impluwensiyado ng dayuhang gobyerno.
Nais ng Communist China ituta ang ating Pangulo, VP, mga mambabatas, mahistrado, at lokal na opisyales. Ito’y para makontrol ang patakarang gobyerno.
Limang paraan para mabisto ang Manchurian Candidate, ani dating Navy vice commander at intelligence chief Adm. Rommel Jude Ong. Propesor siya ngayon sa Ateneo School of Government. Aniya:
(1) Usisain ang posisyon nila sa pambubusabos ng China sa WPS. Tungkulin nila ilahad ito bilang kandidato. Maaring papirmahin sila ng paninindigan. Ito’y para maiwasan ang pagtumbling na tulad ni Duterte.
(2) Alamin ang mga dating negosyo o samahan ng kandidato, maging principal o middleman. Para itong official receipt ng katapatan o katraydoran nila. Hinala ng mga heneral sa Advocates for National Interest na “China state agent” si Michael Yang, negosyanteng kaibigan at special economic adviser ni Duterte.
(3) Arukin ku’ng sino ang tagapayo, taga-pinansya, at taga-kampanya nila. Maaring hindi direktang impluwensyado ng mga ahenteng Chinese ang kandidato, kundi ng mga handlers na Pilipino.
(4) Sinusuportahan ng Communist China ang Manchurian Candidates ng disinformation. Labis na pinupuri ang tuta nila at sinisiraan ang kalaban.
(5) Sa lokal na gobyerno nagkakasunduan ng sister-province o sister-city. Karaniwang layunin nito ay kalakalan, kultural, at turismo. Pero sa panig ng China, mga cadre ng Communist Party ang namamahala sa sister-provinces at sister-cities.
- Latest